MALAKAS ANG IMPLUWENSYA NG CHINA SA ASEAN

Magkape Muna Tayo Ulit

SINGAPORE – Ang bansang China pa rin ang lumabas na may pinakamalaking impluwensiya sa Southeast Asia. Bumag­sak ang Estados Unidos bilang maimpluwensiya sa ating rehiyon, hindi lamang sa larangan ng ekonomiya, kung hindi pati na rin sa pampolitikal at ‘strategic influence’. Ito ang lumabas sa survey ng ASEAN Studies Centre at ng Iseas-Yusof Ishak Institute. Isinagawa ang survey noong nakaraang taon kung saan kumuha sila ng 1,008 respondents sa mga bansang sakop ng ASEAN mula sa academics, policymakers, mga negosyante, civil society leaders at sa media.

Subalit lumabas din na halos kalahati ng respondents ay wala o kaunti ang  tiwala sa China na gagawa ng tama upang mapanatili ang kapayapaan, seguridad at kaunlaran sa ating rehiyon. Nasa 73% ng mga respondent ay naniniwalang ang impluwensiya ng China sa larangan ng ekonomiya sa ating rehiyon ay napakalakas. Ang China kasi ang pinakamalaking trading partner ng ASEAN mula pa noong 2009. Umaabot ito sa mahigit US$500 billion noong 2017.

Pumapangalawa sa nagbibigay ng impluwensiya sa ASEAN ang mga bansang miyembro nito. Ang Singapore, Thailand, Philippines, Vietnam, Malaysia, Indonesia at mga iba pang miyembro ng ASEAN ay nagtutulu­ngan sa paghubog ng kani-kanilang ekonomiya. Lumalabas na maganda ang samahan ng mga bansa sa Southeast Asia. Ang Japan ay pangatlo na may 10.7% at ang US ay may 7.9%.

Nasa 45.2% ng mga respondent ay naniniwala na ang China ay malakas ang impluwensiya sa ASEAN sa larangan ng pampolitika at ‘strategic matters’. Ang US na da­ting namamayagpag sa impluwensiya sa ating rehiyon ay bumagsak sa 30.5%. Pumapangatlo ang mga bansang kasapi ng ASEAN na nasa 20.8%.

Ayon kay Dr Tang Siew Mun, na namumuno ng ASEAN Studies Centre, hindi  kataka-taka ang lumabas na survey dahil sa agresibong pag-akyat ng ekonomiya ng China. Kasama na rin dito ang distansiya ng China sa ASEAN kaya mas mabilis ang pagpapadala ng mga produkto at usapang negos­yo sa mga magkabilang panig.

Dagdag pa ni Dr. Tang, ang mababang tiwala sa China ay maaaring dulot ng ‘misalignment’ ng ipinakikita ng China sa ating rehiyon. Mas ramdam ng mga respondent na ang lahat ng ito ay may malaking kapalit sa China dulot nga ng kanilang deklarasyon ng soberanya sa South China Sea at pagtatayo ng mga artipisyal na isla na umano’y ginagawa nilang base militar. Maaaring dagdag pa rito ay ang kanilang ideyolohiyang komunismo na kabaligtaran sa mga uri ng gobyerno ng mga miyembro ng ASEAN.

Nararamdaman din ng mga miyembro ng ASEAN ang mga hakbangin na isinasagawa ng mga opisyal ng China sa larangan ng diplomasya tulad ng isyu sa West Philippine Sea at tulong pang-imprastraktura sa ASEAN samantalang unti-unti nang nawawala ang da­ting pagbibigay-aruga ng Amerika sa mga bansa sa Southeast Asia.

Dito na lang sa Fili­pinas, si Pangulong Duterte ay bukas sa mga tulong na nagmumula sa China at ga-noon din sa Russia. Isa na si Duterte na nawalan ng tiwala sa bansang Amerika. Suba­lit tila malalim ang ugnayan ng mga Filipino at mga Amerikano. Marami sa atin ay may mga kapamilya, kamag-anak at kaibigan na naninirahan sa Amerika. Hindi basta-basta maisasantabi ito. Subalit ang ugnayan sa diplomasya at ekonomiya ay ibang usapan. Kung tama ang basa ni Duterte na malaki ang maitutulong ng China upang makabagbigay ng tulong sa imprastraktura na tutulak sa ating ekonomiya, marahil ang kailangan lamang ay maging mapagmasid tayo sa mga usapan na tulong pinansyal ng China sa atin.

Comments are closed.