ANG pamumuhunan sa pinalakas na agrikultura ay susi sa mabilis na pagsulong ng ekonomiya ng bansa, sa kabila ng pananaw ng International Monetary Fund (IMF) na magkakaroon ng “economic turbulence” o kaguluhan sa ekonomiya ng mga bansang bumabangon gaya ng Pilipinas, dulot ng pagbabago sa mga panuntunan sa pananalapi ng Estados Unidos at nakikitang pagsirit ng Covid-19 Omicron virus.
Ito ang tugon ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, isang kilala at respetadong ekonomista sa pananaw nina Stephan Danninger, Kenneth Kang at Helene Poirson, mga ekonomista ng IMF sa online nilang pahayag na pinamagatang “Emerging Economies Must Prepare for Fed Tightening.” Iminungkahi nilang kailangang gawin ang akmang mga panunutunan ng mga lider ng bansa batay sa mga hamon nilang kinakaharap at mga pasiya ng US Fed.
“Patuloy na babangon ang pandaigdigang ekonomiya ngayon at sa susunod na taon, ngunit mananatiling matindi ang panganib na dulot ng suwail na pandemya na maaaring sumabay pa sa mabilis na paghihigpit sinturon ng US Fed, kaya dapat handa ang ibang mga bansa sa mga kaguluhang maaaring maganap,” babala ng IMF.
Bilang tugon sa naturang babala, sinabi ni Salceda na chairman ng House Ways and Means Committee, na dapat dagdagan ng Pilipinas ang pamumuhunan sa agrikultura dahil ang lakas at tibay ng sektor na ito ang batayan ng ‘ínflation’ o pagmahal ng mga bilihin at gastusin.
“May magagawa tayong mga depensa laban sa mga ito. Maaari nating luwagan ang mga panuntunan sa pananalapi at panatilihing mabaha ang interes sa pera. Maaari panatilihin ang pamumuhunan natin sa malalaking impraestruktura at ibang programa ng gobyerno. Maaari ring patuloy na umakit na dayuhang pamumuhunan sa Pilipinas, ngunit lahat ng mga ito ay sangkot sa agrikultura,” paliwanag niya.
“Kung mataas ang presyo ng mga bilihin, babagal ang pagsulong ng ekonomiya. Kung mahal ang presyo ng mga pagkain, lalakas din lalo ang diin na taasan ang mga pasahod, na magigng hindi kaakit-akit sa mga mamumuhunan. Dahil dito, sadyang mahalaga ang pagsulong ng agrikultura. Kung mababa ang presyo ng mga pagkain ngayong taon, mapapanatili din natin ang mababang interes sa salapi dahil nga higit na madaling kontrulin ang ‘inflation,’ paliwanag niya.
Tinukoy rin ni Salceda na ang maraming kakulangan sa pamumuhunan sa sektor ng agrikultura ang dahilan kung bakit kulelat tayo lagi sa produksiyon o ani kung ihahambing sa ibang mga bansa. Matindi rin ang kakulangan sa pamumuhunan sa mekanisasiyon, mga pasilidad para sa mga ani, at sistema sa pagbibili ng nga produkto na pamuhunanan din dapat.”
Iminungkahi rin niyang dapat bilisan ang implementasyon ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF), lalong pasulungin ang ‘biosafety’ o kaligtasan sa mga produktong agrikultural na inaangkat, ayudang programa sa pananalapi para sa mga magsasaka ng palay, at isulong ang programang kaugnay sa mga organic fertilizers na ayon sa kanya ay kasama sa prayoridad na mga adyenda ng Kamara sa muling pagbubukas nito.
Sinabi rin ng mambabatas na lubhang mahalaga ang mga reporma sa pagsasaka at pangingisda, higit na makabuluhang pagpapalago sa mga kagubatan, at pababain ang presyo ng mga pataba at pagkain ng hayop na haharapin niya sa nalalabing panahon ng kasalukuyang Kongreso.
Tiniyak ni Salceda na isusulong niyang maisama ang mga ito sa ‘Strategic Investment Priorities Plan (SIPP)’ para maging kwalipikado sila sa mga insentibo sa ilalim ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act na siya rin ang pangunahing may-akda.