MALAKAS NA EL NIÑO: HANDA NA BA ANG D.A.?

Nag-anunsiyo na ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services o PAGASA, na nararamdaman na ng ating bansa ang malakas na El Niño. Ito ay maaaring umabot hanggang sa buwan ng Marso.

Ayon sa Advisory No. 7 ng PAGASA, ang kakaibang panahon ng El Niño ay bahagyang magpapalit ng kanyang kasalukuyang estado at magiging normal na karakter ng El Niño pagsapit ng buwan ng Hunyo, hudyat ng pagsapit ng tag-ulan.

Batay sa obserbasyon ng Australian Bureau of Meteorology, ang nasabing klima ay halos nasa pagitan ng El Niño at La Niña kung saan ang hangin mula silangan patungo sa kanluran ay magbibigay ng mainit na panahon mula sa Pacific Ocean. Matatandaan na ang PAGASA ay idineklara na ang pagdating ng El Niño sa atin noong June 2023.

Heto ngayon ang malaking tanong. May ginagawang preparasyon at paghahanda na ba ang Department of Agriculture (DA) sa maaaring ibigay na hagupit ng El Niño na nagbibigay perwisyo sa ating mga magsasaka at industriya ng agrikultura?

Noong nakaraang buwan, si Sec. Renato Solidum Jr. ng Department of Science and Technology (DOST) ay nagbigay ng paalala na tinatayang 65 na mga lalawigan sa ating bansa ay maaaring makaranas ng matinding tagtuyot mula nitong Enero hanggang Hunyo.

Inihahalintulad niya ito sa pangyayari noong nagkaroon tayo ng El Niño noong 1997 hanggang 1998 na nagdulot ng bilyong piso sa agricultural damage.

“Based on recent conditions, moderate to severe drought conditions are likely from February to May 2024. And by end of May, there would be 77 percent of the provinces of the country that will have potential for drought – that would be around 65 provinces; and seven percent potential for dry spell or around six provinces,” ito ang pahayag ni Solidum noong nakaraang buwan ng Disyembre.

Ayan po. Inilatag na ang maaaring mangyaring problema sa ating agrikultura. Noong ika-10 ng Enero, nagbigay ng pahayag ang DA na gumagawa na sila ng implementing rules and regulation para sa Section 9 ng Republic Act No. 7581 o tinatawag na Price Act, upang maiwasan ang pagsipa ng presyo ng mga produktong agrikultura kapag tumama na ang tunay na epekto ng El Niño sa ating ekonomiya.

Malaking hamon ito sa nakatalagang DA Sec. Francisco Tiu Laurel Jr. na nagsimulang manungkulan lamang noong ika-3 ng Nobyembre 2023. Ikatlong buwan pa lamang niya sa departamento.

Hindi ko tuloy alam kung sasaludo o magkakamot ako ng ulo kung bakit tinanggap ni Sec. Laurel ang posisyon na ito. Maganda na ang estado niya sa buhay bilang isa sa mga bilyonaryong mangingisda sa ating bansa.

Hindi biro ang mga hinaharap niyang hamon sa taon na ito. Ang Pilipinas ay isang agricultural country kung saan karamihan ng ating lupain ay nakalaan sa pagsasaka at pagtatanim ng gulay at prutas.

Kailangan ng malinaw na programa ang DA upang matugunan ang sektor ng agrikultura. Marahil pati ang pangingisda ay maaaring maapektuhan din dahil sa pag-iba ng klima sa dagat. Isama pa natin ang mahigpit na pagbabantay ng dagat ng China sa may West Philippine Sea kung saan ipinagbabawal ang ating mga mangingisda.

Sana naman ay tama ang pagpili ni BBM sa ating namumuno ng DA.