ITONG taong ito, talaga namang dinaluyong tayo ng iba’t ibang problema. Bagyo, baha, lindol at ito ngang COVID-19 na hanggang ngayon, kinakain ang ating ekonomiya.
Ano ba ang nakikita nating isa sa mga epektibong paraan para kahit paano ay magbalik-sigla ang ating ekonomiya? Para sa atin, isa riyan ang pagpapalakas sa health responses ng gobyerno. Iyan ang pangunahing dapat pagtuunan ng pansin ngayon.
Ayon nga po sa ipinalabas na datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), 11.5 percent ng ating ekonomiya ang nanamlay sa ikatlong bahagi ng taong ito. Bakit nga hindi? Hinagupit nga po kasi tayo ng COVID at hanggang ngayon, hinahagupit pa rin tayo kasabay ng iba pang mga kalamidad.
Maging ang household consumption, bagsak din at lumiit ng hanggang 9.3 porsiyento sa third quarter pa rin ng taong ito. Pinakamalaking apektado rito ang restaurants, hotels, transportasyon at iba pang mga recreation places. Ilang buwan ding ipinatupad ang strict compliance sa quarantine at sa lockdown kaya talagang apektadong-apektado ang mga nabanggit nating sektor.
At posible rin, malaking bahagi rin ng consumption contraction ‘yung takot ng mga kababayan natin na lumabas ng bahay dahil sa panganib na mahawa ng coronavirus.
Sinabi nating ang pagpapalakas sa health response ang isa sa mga pangunahing hakbang para maibalik natin ang lakas ng ating ekonomiya dahil malaki talaga ang papel nito sa malusog na kalakalan.
Sa totoo lang, dahil sa takot natin sa COVID, halos hindi na gumagalaw ang mga negosyo. Marami nga ang nawalan ng trabaho, mga nagsarang trabaho o kung hindi man nagsara, hindi naman naging regular ang operasyon. Nagbawas pa sila ng mga empleyado.
Sa ngayon, nakikita nating unti-unting nabubuhay ang sektor ng negosyo. Ramdam kasi ng mamamayan, lalo na rito sa NCR, na kahit paano, bumababa na ang bilang ng mga apektado at marami na ang gumaling. At kung mas mapalalakas pa ng gobyerno ang health policies nito, mas lalong aalagwa pabalik sa dating kalusugan ang ating ekonomiya. Malaki po kasi ang kinalaman ng sektor pangkalusugan sa pag-abante ng sektor ng kalakalan.
Sa kasalukuyan, gumaganda ang laban natin sa COVID, lalo na rito sa Kalakhang Maynila. Pero paalala lang po natin, hindi porke bumababa ang bilang ay maging kampante na tayo. Mas dapat pa tayong mag-ingat para magtuloy-tuloy ang pagbaba nito.
Base nga po sa pananaliksik ng UP-OCTA Research Group, 6 percent na lamang ng mga taong sumasailalim sa COVID tests ang nagpopositibo sa sakit. Ang ibig pong sabihin niyan, malapit na nating masunod ang 5% target ng World Health Organization para matiyak na mas madali nang magapi ang COVID-19.
At kung ganito na ang trend ng COVID sa NCR, nangangahulugan, unti-unti nang makakabangon ang ating kalakalan. Narito po kasi sa Kamaynilaan ang sentro ng pinansya ng bansa kaya mabuti pong balita na unti-unti nang bumababa ang kaso ng COVID dito sa Metro Manila.
Uulitin lang po natin, kinakailangan ngayon ng gobyerno, sa pagkakataong ito na bumababa na ang COVID cases na palakasin pa ang health responses. Kung dati, nangangapa tayo sa testing, tracing, ngayon, nakakabawi na tayo. Pati sa mga ospital, hindi na katulad noon na siksikan ang mga pasyenteng may COVID. Ang inyo pong lingkod ay naging biktima ng karamdamang ito, kaya personal nating nasaksihan at naranasan ang hirap ng kalagayan ng mga pasyente ng COVID sa ospital. Ngayon, kahit paano, may sapat nang silid at higaan ang mga COVID patient.
Sa kasalukuyan po, dinidinig natin sa Senado, sa pangunguna ng ating komite, ang Senate committee on finance, ang 2021 budget. Bilang chairman po ng nasabing komite, tayo ang tumatayong sponsor ng panukalang P4.5 trilyong pambansang budget at isa sa mga isinusulong natin ay ang taasan ang pondo ng DOH ng hanggang 27 porsiyento mula sa dating DOH 2020 budget.
Layunin po natin diyan na mapalakas at mapagalaw nang husto ang ating health institutions. At kabilang sa mga nakikita rin nating malaking aspeto ang pag-eempleyo ng mga dagdag na health workers, health facilities, at pagpapaigting pa rin sa testing capacities.
Kapag po naradaman ng mga kababayan natin na gumaganda ang estadong pangkalusugan ng bansa, posibleng mabawasan din sa lalong madaling panahon ang kanilang pag-aalala na magiging daan para sumigla ang galaw ng ating ekonomiya.
Isa rin sa mga sektor na makikinabang nang husto sa pagbabalik-tiwala ng publiko sa interaksyon ang transportasyon. Ito ang isa sa mga sektor na talagang hanggang ngayon ay patuloy na nilalatay ng COVID.
Pero umaasa tayo, ilang buwan na lamang mula ngayon, unti-unti na tayong makakabangon at maaa-kay natin ang iba’t ibang sektor na muling tumayo mula sa bagsak na sitwasyon.
Comments are closed.