CAMP CRAME – ITINANGGI ni Philippine National Police (PNP) Chief, Director General Oscar Albayalde na “discriminatory” sa mga nagmomotorsiklo ang malalaking plaka na planong ikabit sa mga motor.
Sa kanyang regular Monday Press Conference, binigyang diin ng PNP chief na ito ay bahagi lang ng security measures para sa kapakanan ng lahat.
Paliwanag ng PNP Chief, masyadong maliit ang kasalukuyang plaka ng mga motor para mabasa sa malayuan.
Malaking tulong aniya sa paglutas ng mga krimen, partikular ang riding in tandem kung kahit sa CCTV ay mababasa ang plaka ng mga motor.
Dagdag pa ng heneral, maging ang mga plaka ng kotse at iba pang behikulo ay una nang pinalitan nang mas madaling mabasa ang mga plaka na puti at itim mula sa dating puti at berde.
Naikuwento ng PNP Chief na sa kanyang pagbisita sa Estados Unidos, mayroon nang ginagamit na teknolohiya ang Law enforcement authorities na nababasa ng mga camera ang mga plaka ng sasakyan at maging ang mukha ng driver ay nakikilala sa “facial recognition”.
Basta aniya mahagip ng camera ay lumalabas na agad sa computer ang lahat ng detalye ng sasakyan, at maging ng driver. EUNICE C.
Comments are closed.