MALAKING HAMON KAY GENERAL ACORDA

MAY bago nang pinuno ang Philippine National Police (PNP) sa katauhan ni Police General Benjamin Acorda Jr.

Pinalitan ni Acorda si Gen. Rodolfo Azurin Jr. na nagretiro noong Lunes, Abril 24, kasabay ng kanyang ika-56 kaarawan.

Kung susuriin, hindi ganoon katunog ang pangalan ni Acorda noong una.

Kaya nga, “dark horse” ang turing sa kanya sa karera sa pagka-hepe ng PNP.

Bago siya itinalaga ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. bilang PNP Chief, nagsilbi si Acorda bilang director for intelligence ng organisasyon.

Siya ay miyembro ng Philippine Military Academy (PMA) ‘Sambisig’ Class of 1991 at kabilang sa batchmates niya si PNP Chief of Directorial Staff Lt. Gen. Michael John Dubria.

Tubong Ilocos Norte si Acorda na sinasabing nag-aral pa sa Special Education Center ng Gabaldon Elementary School at Bacarra National Comprehensive High School, parehong nakabase sa lalawigan.

Noong nag-aaral raw siya sa high school, nakilala niya si Oliva Balasi Afaga na kalauna’y naging misis niya at nagkaroon sila ng apat na supling.

Nagtapos siya ng master’s degree in management sa Philippine Christian University (PCU) at nakatanggap ng Bronze Cross Medal.

Sumabak siya sa iba’t ibang specialized trainings tulad ng Police Intelligence Officer Advance Course, Logistics Management Course, at Training Course on Drug Law Enforcement for the Philippines.

Naging pinuno siya ng ilang municipal police stations at Palawan Police Provincial Office kung saan kinilalala ito bilang No. 1 police force sa operational accomplishments sa rehiyon ng Region IV-B o MIMAROPA (Mindoro Oriental & Occidental, Marinduque, Romblon, at Palawan).

Nagsilbi rin siya bilang Regional Director ng Police Regional Office 10 sa Northern Mindanao at naging hepe ng Anti-Fraud & Commercial Crimes Division ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Nabatid na siya ay naging director for operations din ng Ilocos Norte Police Provincial Office at Deputy Director for Operations and Administration ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Ilan lamang ang mga nabanggit sa mga accomplishment at karanasan ni Acorda.

Nangako ang mamang pulis na magiging transparent siya bilang pinuno ng 228,000-police force at mas paiigtingin pa ang anti-criminality campaign sa pamamagitan ng sinserong presensya ng mga awtoridad.

Naniniwala ako na mahusay at talagang karapat-dapat naman sa kanyang bagong posisyon si Acorda.

Gayunman, mahalagang i-prayoridad ng mama ang pagsasaayos ng institusyon.

Kung matatandaan kasi, lumabas sa mga naging imbestigasyon ng Senado na ang ilang pulis ay animo’y sundalo ng mga politiko kapalit ng malaking halaga.

Talagang maituturing itong malaking sampal sa kanilang hanay.

Nabunyag pa ang hinggil sa hinihinalang cover-up sa nangyaring pagkakasabat sa P6.7 bilyong halaga ng shabu noong nakaraang taon kung saan nagretiro na lang si Azurin ay hindi pa ganap na natatapos ang pagsisiyasat dito.

At dahil sa Disyembre pa naman siya magreretiro, kailangang matiyak ni Acorda na ang darating na Barangay at Sanggunitang Kabataan Elections (BSKE), sa pangangalaga ng pambansang pulisya, ay magiging tapat, malinis, tahimik at may kredibilidad.

Sa totoo lang, kailangang maibalik ang tiwala ng publiko sa pulisya.

Sila lang kasi ang matatakbuhan natin para mapanatili ang peace and order.

Kailangan ding ipagpatuloy ni Acorda ang mga nasimulang reporma ng dating liderato ng PNP.

Kasuhan, ipakulong at alisin ang mga bulok sa organisasyon upang hindi na makapanira at makahikayat pa ng iba.

Sa ganitong paraan, maibabangon din ni Acorda ang institusyon habang mapapanagot ang mga pinaniniwalaang sangkot sa mga krimen at ilegal na aktibidad.