MALAKING HAMON SA GAMING INDUSTRY

HINDI maitatanggi na ang paglago ng gaming industry sa Pilipinas ay isa sa mga pangunahing balita nitong nakaraang quarter.

Nakapagtala kasi ang Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) ng 32% na pagtaas sa gross gaming revenues (GGR) para sa se­cond quarter ng taon, na umabot sa P89.23 bilyon. Ang malaking bahagi ng paglago na ito ay dulot ng sektor ng electronic games (e-games), na nagpakita ng higit sa anim na beses na pag-angat, na umabot sa bagong record high na P30.85 bilyon — isang napakalaking 525% na pagtaas mula sa P4.93 bilyon noong nakaraang taon.

Sa kabila ng mga positibong balitang ito, isang malaking hamon ang kinakaharap ng industriya dahil sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipatigil ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs) sa pagtatapos ng taon.

Bagama’t inaasahan ng PAGCOR na ang paglago sa e-games sector ay makatutulong na punan ang kakulangan mula sa POGO ban, nananati­ling malaking usa­pin ang magiging epekto ng naturang kautusan sa ekonomiya.

Ayon sa cost-be­nefit analysis ng Department of Finance (DOF), ang POGO industry ay nagdulot ng net cost na P99.52 bilyon sa ekonomiya ng bansa, kabilang dito ang pagbaba ng foreign investments at turismo, pati na rin ang pagtaas ng gastos sa law enforcement at immigration.

Sinasabing sa kabila ng mga benepisyong naibigay ng POGOs, tulad ng P166.49 bil­yon na kontribusyon sa ekonomiya, mas pinili ng pamahalaan na tugunan ang masamang epekto ng industriyang ito sa bansa.

Habang patuloy na bumababa ang kita mula sa mga licensed casinos at bingo operations, nananatiling mahalaga ang papel ng e-games sa pagpapalakas ng gaming industry.

Subalit hindi maikakaila na ang pagbaba ng kita sa Casino Filipino brand ng PAGCOR ay isang malinaw na senyales ng pangangailangan para sa mas epektibong estratehiya upang mai­angat muli ang sektor na ito.

Sa darating na limang taon, layunin ng PAGCOR na mag-divest mula sa casino operations at ituon ang kanilang pansin sa pagiging isang regulatory body.

Ang hakbang na ito ay isang mala­king pagbabago na nangangaila­ngan ng matibay na plano at kooperasyon mula sa iba’t ibang sektor upang matiyak na ang paglago ng gaming industry ay magpapatuloy, hindi lamang para sa kita, kundi para rin sa kabuuang kaunlaran ng bansa.

Sa huli, habang tila umaangat ang e-games sector, hindi dapat ipag­sawalang-bahala ang mga hamong dulot ng pagbagsak ng ibang sektor ng gaming industry.

Kailangang maging handa ang PAGCOR at ang pamahalaan sa pagtugon sa mga pagbabagong ito, upang masiguro na ang gaming industry ay magpapatuloy sa pagbibigay ng kontribus­yon sa socio-civic at national deve­lopment programs, gayundin sa pagpapalakas ng turismo sa Pilipinas.