MALAKING JOBS FAIR SA INDEPENDENCE DAY

JOBS FAIR

MAGLULUNSAD  ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng mala­king jobs fair sa Rizal Park sa Maynila sa ika-120 Ani­bersaryo ng Kasarinlan ng Pilipinas sa  Hunyo 12, 2018,

Ayon sa DOLE, 30,000 na mga trabaho sa Pilipinas at sa ibang bansa ang maaaring aplayan ng mga naghahanap ng trabaho sa nasabing jobs fair o Trabaho, Negosyo Kabuhayan (TNK) job and business fair na gagawin sa Citizens’ Garden sa Rizal Park.

Sasabayan ito ng iba pang jobs fair na nakakasa sa 18  lugar sa bansa mula Region 1 hanggang 12, at Cordillera Administrative Region (CAR).

Ayon kay DOLE National Capital Region Director Henry John Jalbuena, kabuuang 73 employer na kinabibilangan ng 45 para sa local employment, 20 kompanya abroad at walong ahensiya ng gobyerno ang sasama sa jobs fair sa Rizal Park.

Para sa mga trabaho sa Pilipinas, karamihan sa mga bakante ay mula sa industriya ng construction, transportation at sales.

Para naman sa mga nag­hahangad na mag-abroad, karamihan sa mga hinahanap ay para sa mga hotel worker, hospital worker, nurse, labor worker, sales personnel at carpenter.

Kasama rin sa jobs fair ang Metropolitan Manila Development Authority; Bureau of Fire Protection, Department of Trade and Industry, Armed Forces of the Philippines, National Historical Commission of the Philippines at Social Housing Finance Corporation.

Magbibigay naman ng pre-employment service ang Social Security System (SSS), Pag-IBIG, National Bureau of Investigation (NBI), Philippine Statistics Authority (PSA), Professional Regulation Commission (PRC), at Bureau of Internal Revenue (BIR). ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.