MALAKING LABAN, MALAKING KITA KAY CASIMERO

John Riel Casimero

WALANG ibang hangad si reigning World Boxing Organization (WBO) bantamweight champion John Riel Casimero kundi ang malalaking laban, malalaking pangalan at malalaking kita.

Target ng 30-year-old native ng Ormoc na makasagupa sina World Boxing Association (WBA) at International Boxing Federation (IBF) champion Naoya Inoue ng Japan at Guillermo Rigondeaux ng Cuba sa 118 pounds o Luis Neri ng Mexico, ang World Boxing Council (WBC) king sa 122 pounds.

Subalit si Inoue, ang Japanese ‘Monster’, ang nasa isipan ni Casimero 24/7. Nakatakda sana silang magharap noong nakaraang Abril ngunit hindi ito natuloy.

Subalit naniniwala si Casimero na umiiwas sa kanya si Inoue.

“Habang tumatagal, lalong tumatakbo,’” wika ni Casimero sa online version ng Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum noong Martes. Aniya, nakahanda siyang sagupain sinuman ang ilaban sa kanya, maging si UFC legend Conor McGregor.

“Nakahanda ako sa lahat ng laban. Basta ang dream ko ay mapunta sa akin ‘yung apat na belts (118 lbs) – unification,” ani Casimero, galing sa  third-round stoppage sa dating walang talong si Duke Micah ng Ghana noong Linggo sa Connecticut.

Si Casimero ay uuwi sa kanyang pamilya sa Ormoc City sa ikalawang linggo ng Oktubre.

“Give me McGregor. I will fight him at 140,” sabi niya sa forum.

Nakibahagi rin si Sean Gibbons ng MP Promotions sa online forum mula Los Angeles, at sinabing hindi na mahirap hanapan ng malaking laban si Casimero dahil sa ipinakita niya sa ibabaw ng ring.

“To me right now, Casimero is the most exciting, fun bantamweight out there. It’s no longer difficult. Showtime and PBC are so excited they want to know when they can get Casimero back on,” ani Gibbons.

Kung malaki ang laban ay malaki rin ang kita.

“Ayoko na ng maliit na kita. Kung maliit ang kita, hindi na ako maglalaro,” wika ni Casimero, na bukas na lumaban sa undercard ng susunod na laban ni Manny Pacquiao.

“Pero mas maganda kung tayo ang main event,” aniya. CLYDE MARIANO

Comments are closed.