POSITIBO ang pamahalaan na magiging maganda ang kabuuang revenue collection ng bansa sa pagwawakas ng 2024.
Sa report ng Bureau of the Treasury, kumpiyansa sila na mas malaki pa sa revenue goal na P4.27 trillion ang magiging koleksiyon ngayong taon.
Ibig sabihin, kahit pa nagkaroon ng maraming kalamidad ngayong taon at kabi-kabila ang labas ng pera mula sa kaban ng bayan upang ipang-ayuda, may inaasahang malaking koleksiyon.
Kung magkaganoon nga, patunay ito na totoo ang kasabihan na kapag mapagbigay, may dobleng balik.
Kung ating pupunahin, mabilis ang pamahalaan sa pagbibigay ng tulong kapag may mga kalamidad na naganap.
Maging ang pagbibigay ng insentibo sa mga atleta gaya sa Olympics Games sa Paris ay isang pagpapakita na bukas-palad ang pamahalaan.
Mayroon ding mga personalidad na binigyan ng insentibo ng gobyerno na pawang karapat-dapat bigyan.
Kami man ay naniniwala na kapag generous at bukas-palad, mabilis ding makatatanggap.
Ito marahil ang dahilan kung kaya kumpiyansa ang pamahalaan na kahit malaki ang inilabas na tulong para sa nangangailangan at insentibo, higit pa sa inaasahan ang papasok sa pamahalaan na makabubuti para sa lahat.