‘MALALAKING ISDA SA PASTILLAS SCHEME’

MAHIGIT dalawang linggo bago magpalit ng administrasyon, umusad na ang kaso laban sa 43 Bureau of Immigration officials at staff na may kaugnayan sa “pastillas” bribery scheme.

Kung matatandaan, sa imbestigasyon ng isang Senate panel, lumabas na tumatanggap daw ng lagay mula sa mga dayuhan ang ilang personnel.

Maliban dito, tiningnan din ng Senado kung ginagamit ito sa sex trafficking at maging sa pagpapasok ng Philippine Offshore Gambling Operations (POGO) workers sa Pilipinas.

Kabilang sa mga ipinagharap ng kasong paglabag sa Section 3 (e) ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act si Marc Red Mariñas, dating deputy commissioner at Port Operations Division head, at maging sina senior immigration officers Grifton Medina, Erwin Ortañez at Glenn Ford Comia dulot ng pagbibigay raw ng “unwarranted benefits, preference or advantage” sa 143 foreign passengers.

Aabot sa P90,000 bawat isa ang inirekomendang piyansa ng anti-graft office laban sa mga respondent.
Partikular na tinukoy sa kaso ang Chinese nationals na sinasabing hinihingan ng P10,000 bawat isa o kabuuang P1.43 milyon mula 2017 hanggang 2020.

Nag-resign na si Mariñas bilang POD chief noong 2019 nang tumakbo ito sa pagka-alkalde sa Muntinlupa City. Muli itong sumabak sa mayoral race sa Munti noong May 9 polls pero natalo rin ito.

Ayon sa Ombudsman, sa pamamagitan ng bribery scheme ay napapadali ang pagpasok ng foreign passengers sa bansa dahil hindi na raw sila sumasalang sa regular at mahigpit na profiling o screening processes na malinaw na paglabag sa umiiral na immigration rules at procedures.

Binansagang “pastillas” ang modus dahil ang perang ipinangsusuhol daw ay binibilot na hawig sa matamis na pasalubong na “pastillas.

Aba’y tinukoy naman sa complaint ang Empire International Travel and Tours na isa raw sa travel agencies na tumanggap ng “pastillas” money upang mapabilis ang pagpasok ng mga Tsino sa bansa.

Noong mga panahong iyon, ang operasyon ng “pastillas” scheme, kabilang ang listahan ng mga kliyente, ay tinatalakay sa Viber groups na pinatatakbo rin daw ng mga immigration personnel.

Maituturing na tagumpay ito sa mga biktima ng human trafficking, kasama na ang mga naglakas-loob na isiwalat ang kalakarang ito at tumestigo pa sa pagdinig ng Senado.

Matagal nang iniuulat na talamak daw ang korapsiyon sa BI at dapat na itong maputol.

Kaya umaasa pa rin si Sen. Risa Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Women, Children, and Family Relations, na ikokonsidera ng tanggapan ni Ombudsman Samuel Martires si immigration officer Jeffrey Dale Ignacio bilang whistle-blower.

Ang komite ni Hontiveros ang nagtrabaho at naghalukay nang todo para mahubaran ang mga sinasabing corrupt na Immigration officials na sangkot daw sa “pastillas” scheme.

Pinagkakakitaan daw kasi ang Visa-upon-arrival (VUA) policy na ipinatutupad sa mga dayuhang pumapasok sa bansa.

Sa ilalim daw ng “pastillas’’ scheme, aba’y lahat ng Chinese nationals na hindi nag-avail ng visa upon arrival (VUA) system ay magbabayad ng P10,000 sa immigration para makapasok nang walang aberya sa ating bansa.

Naalala ko pa na sa kasagsagan ng pagdinig ng Senado noong September 2020, nabunyag na ang hepe ng National Bureau of Investigation-Legal Assistance Bureau na si Atty. Joshua Paul Capiral ay na-entrap ng mga kapwa NBI makaraang hingian daw ng pera ang mga tauhan ng BI kapalit na hindi na isasama ang mga pangalan ng mga ito sa kakasuhan.

Malalim ang scam na ito.

At ang pagkakasampa ng kasong kriminal laban sa mga umano’y sangkot sa modus ay umpisa pa lamang.

Mahaba-habang proseso pa iyan.

Nawa’y halukayin pa ito ng prosekusyon.

Sa ganitong paraan, maaari pang malambat ang iba pang mga posibleng“malalaking isda” sa likod ng scheme para maputol na ang kanilang katakawan.