KAPANA-PANABIK na karera ang matutunghayan ng ‘Bayang Karerista’ ngayong taon.
Ibinida ni Philippine Racing Commission (Philracom) Chairman Reli De Leon na bukod sa malalaking karera, inihahanda rin ang pagtataguyod ng kauna-unahang Hall of Fame at ang pagbuhay sa Araw ng Maynila races o mas kilala bilang Gran Copa De Manila sa Hunyo 24.
Bukod sa Triple Crown, isasagawa rin ang espesyal na 2,400-meter distance race – pinakamahabang distansiya sa kasaysayan ng karera sa bansa – sa Setyembre, ang kauna-unahang Philippine Horseracing Expo sa World Trade sa Oktubre at ang paglulunsad ng Hall of Fame sa local horseracing.
“Sabi ko nga 155 years na ‘yung karera sa Pilipinas, the oldest in Asia, but this is the first time that we will be having our Hall of Fame awardees,” pahayag ni De Leon sa kanyang pagbisita sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum nitong Martes via Zoom.
“There are many first things to happen (in horseracing) this year. We’re trying to think out-of-the-box projections or plans for us to have more exciting races to offer to the racing public.”
Ang mga programa na inilinya ng Philracom ngayong taon ay sumibol bunsod ng matagumpay na mga karera sa nakalipas na taon kung saan nakalikom ang ahensiya ng P2.3 bilyon, doble sa kinita sa taong 2020 sa kabila ng lockdown bunsod ng pandemya.
Ngayong 2022, target ni De Leon na malikom ng pamahalaan ang P4.5 bilyon.
“I’m very happy to report that we bounced back stronger last year compared to 2020,” pahayag ni De Leon sa programa na itinataguyod ng San Miguel Corporation (SMC), MILO, Philippine Sports Commission (PSC), Philippine Olympic Committee (POC), Amelie Hotel Manila, Unilever, at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
“Our contribution to the government last year was P680 million, so most probably this year, we will reach P900 million to P1 billion contribution for the government.”
Malaki ang posibilidad na maisakatuparan ito ng Philracom tampok ang malalaking karera na nakalinya sa susunod na mga linggo, kabilang ang pamosong Triple Crown sa kalagitnaan ng taon.
Sa pagbaba ng kaso ng COVID-19 at paglalagay sa Alert Level 2 ng NCR at mga karatig-lalawigan, kumpiyansa ang Philracom na makababalik na rin para makapanood ng live races ang ‘Bayang Karerista’.
“There is a provision by the government today that LGUs (Local Government Units) are the ones deciding the availability of people entering the race track. It is upon the jurisdiction of the LGU,” pahayag ni De Leon. “Probably under Alert Level 2, siguro mga 20 percent of the sports fans will be around.” EDWIN ROLLON