INAYAWAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang paglalagay ng malalaking plaka sa likod, harap at tagiliran ng mga motorsiklo.
Dahil dito ay nais ng Pangulo na kausapin si Senador Richard Gordon para kumbinsihing sa likod na lamang ng motorsiklo ilagay ang plaka at dagdagan lang ang laking bahagya mula sa orihinal na sukat.
Magugunitang kabi-kabila ang pagtutol ng iba’t ibang motor rider sa buong bansa dahil sa batas na ito kaya aatasan din ng Pangulo ang Land Transportation Office na suspendihin muna ang implementasyon nito.
“I will talk to Senator Gordon sabihin ko sa kanya na all countries walang plate number sa harap, diyan lang ‘yan sa likod. I will try to convince the LTO to maybe hang onto it. I-suspend ko lang muna,” ang pahayag ng Pangulo sa dinaluhan nitong 25th Na-tional Federation of the Motorcycle Clubs of the Philippines Annual National Convention sa IloIlo City Sabado ng gabi.
Ayon sa Pangulo, mapanganib ang mga dagdag na gadget sa motorsiklo dahil takaw-aksidente ito kaya gagawan niya ng paraan ang inaalmahang batas.
“May kanto ‘yang plate number eh, tutusok ‘yan sa helmet mo. Delikado eh. Anything that is sharp there hindi maganda pag matumba ka. Tanungin natin ang LTO, para walang maipit kausapin ko si Gordon para na lang to ma-satisfy,” dagdag ng Pangulo.
Kaya umano nito pinirmahan ang batas sa paggamit ng malalaking plaka ay dahil inirekomenda sa kanya at maganda naman ang layunin subalit ayaw naman nitong malagay sa alanganin ang mga motorcycle rider.
Iminumungkahi rin ng Pangulo na bawasan ang napakalaking multa sa batas dahil mabigat ito para sa mga motorista.
Comments are closed.