ASAHAN na ang mas malalang daloy ng trapiko ngayong pumasok na ang ‘ber months’.
Ito ang babala ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) EDSA Traffic Chief Bong Nebrija dahil magsisimula na ang ilang konstruksiyon sa EDSA kabilang na ang pagdudugtong sa mga linya ng LRT at ng MRT.
Sa kabila nito ay tiniyak ni Nebrija na naghahanap na sila ng mga alternatibong ruta dahil dito.
Ayon sa traffic czar, bago pa magsimula ang ‘ber months’ ay ipinakalat na ang mga patrol officer ng Phil-ippine National Police – Highway Patrol Group (PNP-HPG) sa EDSA.
Buwan ng Agosto nang aminin mismo ng MMDA na mistulang ‘ber months’ na ang usad ng trapiko sa EDSA dahil sa rami ng dumaraang sasakyan.
Limang porsiyento o 22,054 ang bilang ng sasakyang dumaraan kada araw sa EDSA sa unang walong buwan ng taon kumpa-ra sa kaparehong panahon noong 2018, ayon sa MMDA.
Sinabi ni MMDA Spokesperson Assistant at Secretary Celine Pialago na mula sa average na 383,828 sasakyan noong nakaraang taon, pumalo na sa 405,882 ang sasakyan sa EDSA kada araw nitong Agosto.
Babala rin ni Pialago na inaasahang simula ngayong unang araw ng ‘ber months’ ay asahan na ang pag-dami ng sasakyan hanggang sa Disyembre.
Inaasahang tataas pa ng 20 porsiyento o aabot sa 487,058 ang bilang ng mga sasakyan.
Pinakamataas ang nadagdag sa bilang ng mga motorsiklo na nasa 110,167 kumpara sa average na 86,082 noong 2018, mas mataas ng 27.98 porsiyento o 24,085.
Pinakamarami ang mga kotse sa EDSA na pumalo na ngayon sa 255,732 na tumaas ng 1.63 porsiyento mula sa 251,628 daily average noong 2018.
Ang bilang ng mga bus ay tumaas ng 11.65 porsiyento matapos sumampa sa 2,166 mula sa 1,940 noong nakaraang taon.
Sinabi ni Pialago na mahigpit na ipatutupad ngayon ang mga kasalukuyang polisiya ng MMDA hanggang sa makapagpresenta ng bagong proposal ang ahensiya sa Metro Manila Council.
Comments are closed.