NOONG isang linggo, nag-anunsiyo ang Maynilad na simula raw Abril, magiging mas mahaba na ang mga pagkaputol ng suplay ng tubig upang matipid ang natitirang tubig sa Angat-Ipo. Siyempre, summer na naman kasi at El Niño ulit ang dahilan umano. Marami ang nagtataka kung bakit hindi kayang paghandaan ito gayong alam naman ng lahat na dumarating ang summer taon-taon.
At dahil sa climate change, kahit na walang El Niño ay maaasahan na rin naman ang kakulangan sa suplay ng tubig.
Isa pa, bago pa man dumating ang tag-init, maraming lugar na sineserbisyuhan ng Maynilad ang buong taon na nakararanas ng regular o araw-araw na pagkaputol ng serbisyo ng tubig. Pinakamabuting makahanap ng solusyong pang-matagalan para sa suliraning ito.
Sa pandaigdigang sitwasyon naman, ang unang UN Water Conference makalipas ang 46 na taon ay naganap nito lamang ika-22 hanggang ika-24 ng Marso sa New York. Layon ng kumperensiya na maipaalam sa lahat ang maraming bagay hinggil sa krisis sa tubig.
Ang layunin ay mabigyan ng pagkakataon ang mga nakibahagi sa kumperensiya na makahanap ng solusyon upang makamit ang mga kasunduan.
Nagkaisa rin upang makahanap ng solusyon sa mga suliranin ng sobrang tubig (baha at bagyo), kakulangan sa tubig (tagtuyot at kakapusan ng suplay), at maruming tubig (polusyon).
May krisis sa tubig sa buong mundo, hindi lang dito sa Pilipinas. Bilyon-bilyong tao ang walang magamit na ligtas at malinis na tubig. Simula noong kauna-unahang UN Water Conference noong taong 1977, dumoble na ang populasyon ng mundo. At kasabay ng paglobo nito ay tumaas din siyempre ang pangangailangan ng tao sa tubig.
(Itutuloy…)