MALALIM ANG ATING PROBLEMA SA TUBIG

(Pagpapatuloy…)
Mahigit sa 10,000 katao ang dumalo sa UN Water Conference na ginanap nito lamang ika-22 hanggang ika-24 ng Marso sa New York. Kabilang dito ang pisikal na dumalo at mga nakisali online.

Mayroong 713 boluntaryong kompromiso ang isinumite ng mga NGO, pamahalaan, negosyo, unibersidad, at mga organisasyong kagaya ng UNICEF. Pinagsama-sama ang mga ito at tinawag na Water Action Agenda.

May mga maliliit na pangako at malalaking plano. Ang ilan sa mga temang lumitaw ay ang paghahanap ng tinatawag na mga “nature-based solutions”, ang kahalagahan ng inklusibong pamamahala, at pinansya o kung paano popondohan ang mga proyekto at plano. Itong huli ay kaakibat ng maayos na pamamahala at epektibong paggamit ng pondo.

Sa totoo lang, hindi naman talaga masosolusyonan sa loob ng tatlong araw ang lahat ng mga problema ng mundo na kaugnay sa tubig. Hindi sapat ang mga talumpati at presentasyon. Alam ito ng lahat, kaya naman natapos ang kumperensiya nang may pag-asa at sigla ang mga nagsipagdalo. Bumoto sila upang magkaroon ng posisyon na UN Special Envoy for Water, upang maisulong ang usapin sa loob ng United Nations, at upang magpatawag ng mga high-level na pulong upang pag-usapan ang tubig.

Paano natin maisasalin ang mga natutunan dito upang maitulak ang ating mga lokal na proyekto sa tubig? Paano natin maipauunawa sa lahat na mahalagang gumawa na tayo ng mga hakbang ngayon bago pa man maging huli ang lahat? Paano natin hihikayatin ang lahat—mula pribado hanggang pampublikong sektor—upang kumilos na?