MALALIM NA PAG-AARAL PARA SA IKAUUNLAD NG PHILIPPINE INDUSTRIES

PASADO na rin sa Mababang Kapulungan ang kanilang bersyon ng Tatak Pinoy bill, na una na ring ipinasa ng Senado kamakailan.

Ang panukalang batas na ito na ating isinusulong (na inihain natin noon pang 2019) ay isa sa mga talagang pinaghirapan ng inyong lingkod dahil sa kagustuhan nating matulungan ang sarili nating mga industriya, gayundin ang mga negosyanteng Pinoy.

Gusto nating mapalakas sila, maging competitive hindi lang dito sa Pilipinas kundi maging sa ibayong dagat. Pangunahin nating bisyon sa paghahain natin ng panukalang ito ay makalikha ng magandang trabaho at dito na lamang makakuha ng disenteng ikabubuhay ang mga kababayan natin at huwag nang  mangibang-bansa.

Naging basehan natin sa paghahain ng Tatak Pinoy (Proudly Filipino) bill ang Atlas of Economic Complexity nina Drs. Ricardo Hausmann ng Harvard University at Cesar Hidalgo na dating propesor sa Massachusetts Institute of Technology, at ngayo’y nasa University of Toulouse sa France.

Sa kanilang pag-aanalisa sa estado ng ekonomiya, napagtanto nila na napakalaking bagay para sa pag-unlad ng isang bansa ang kakayahan nitong makalikha ng mas diversified at mas sopistikadong mga produkto.

Sa unang tingin, iisipin nating ang Tatak Pinoy ay isang istratehiyang nakatutok lang sa eksportasyon. Ito ay dahil binibigyang halaga nito ang paglilinang sa mga produktong Pinoy upang maging globally competitive – o magkaroon ng kakayahan ang mga produkto nating makipagsabayan sa mga foreign products.

Subalit kung iintindihin nating mabuti, ang ating panukala ay nakasentro sa kung paano natin mas mapalalakas ang Pinoy products na sa kalaunan ay buong Pilipinas ang magtatamasa ng tagumpay. Inihain natin ito para mapag-aralan kung paano nga bang napalalakas ng iba’t ibang bansa ang kanilang mga  produkto at kung paano nilang “nailalako” ang mga ito sa pandaigdigang merkado. Ito ang isa sa mga pangunahing layunin ng ating panukalang batas – maging isa sa mga malalakas  na produkto sa global market ang Pinoy products.

Sa kasagsagan po ng ating pagdinig sa Senado tungkol sa Tatak Pinoy bill, isiniwalat ni Department of Migrant Workers Director Francisco “Jun” Santiago ang mga naging karanasan nya bilang OFW sa loob ng 13 taon. Inilabas nya ang lahat ng kanyang lungkot sa kanyang mga karanasan. Sabi niya, bakit daw nagagawang maging pamoso o sabihin na nating nakakagawa ng ‘marka’ ang mga Pinoy sa mga pinapasukan nilang industriya sa ibayong dagat, pero hindi sila kinikilala sa mismong bansa nila rito sa Pilipinas? Bakit hindi raw nila madala rito sa bansa natin kung ano ang narating nila sa bansang pinagtrabahuan nila? Kung doon nga raw ay nakagawa sila ng pangalan, bakit dito, kapag papasok sila ng trabaho ay napakaraming hinihingi tulad ng sertipikasyon at license.

Sa Middle East, aniya, kung saan siya nagtrabaho ng maraming taon, napakaraming Pinoy ang namamasukan sa construction sites. At doon, mataas ang tingin sa mga Pilipino dahil sa kanilang galing. At marami doon ang kumukuha sa serbisyong Pinoy. Pero pag dito raw hahanap  ng mapapasukan ang mga Pilipinong ito na “puring-puri” sa abroad, hirap na hirap  makakuha ng trabaho.

Ang gustong ipunto rito ni Director Santiago, kung mataas ang tingin ng ibang bansa sa expertise ng mga Pinoy, dapat nga, sila ang gawing “asset” ng Pilipinas pagdating sa larangan ng kani-kanilang industriya.

Bakit nga kailangang pahirapan ang bigyan sila ng trabaho pag narito na sila sa mismong bansa nila? At dahil malaki ang ambag ng mga Pinoy sa pag-unlad ng industriya sa mga bansang pinasukan nila, bakit hindi natin sila bigyan ng pagkakataon na industriya naman natin ang paunlarin nila?

Hindi naman pupuwedeng sila lang ang pauunlarin ng mga kababayan natin. Dapat, mas mauna tayo. At ‘yan din naman ang gusto nila. Ang mga lokal na industriya lang ang parang nagiging problema sa sistemang ito dahil hindi nila binibigyang pagkakataon ang Filipino professionals na nagpaunlad sa industriya ng ibang bansa.

Kaugnay nito, kamakailan lang ay ipinahayag ng Department of Trade and Industry ang kanilang partnership with the Hasso Plattner Institute School of Design Thinking. Ito ay may kinalaman sa planong pagtatatag ng Design Thinking Academy + Policy Lab para sa isang innovation-driven governance.

Dahil napakabilis ng takbo ng innovation sa mundo, dapat nakakahabol tayo. At isa ito sa mga epektibong paraan. Ang HPI School of Design Thinking ay isang European hub for design thinking education kung saan nagsisilbing propesor si Professor Ulrich Weinberg na narito ngayon sa bansa. Narito si Prof Weinberg para sa ceremonial signing ng declaration of support sa Design Center of the Philippines.

At alinsunod sa mga hakbanging makakuha ng iba’t ibang kaalaman sa labas ng bansa, naghain tayo ng panukalang batas sa Senado, ang Senate Bill 1614 o ang Pensionado Act. Layunin natin dito na matulungan ang mga employed or self-employed, exceptionally-abled at lahat ng Pinoy na kumuha ng advanced studies na may kinalaman sa science, technology o iba pang larangan ng karunungan. Gusto nating maging bahagi sila ng ‘brain gain’ na makatutulong nang malaki sa pangarap nating pag-unlad.

Ganito rin ang gusto nating matupad sa pagsusulong natin sa Tatak Pinoy – ang mapalawak at mas maging produktibo ang ekonomiya ng ­Pilipinas.