INIIMBESTIGAHAN ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagkamatay ng tatlong mangingisda matapos na salpukin ang kanilang bangka nang isang hinihinalang foreign vessel na ilang kilometro ang layo sa Scarborough Shoal o Bajo de Masinloc nito Lunes ng madaling araw.
Ayon sa PCG, kasalukuyan pa nilang kinukumpirma kung anong uri ng sea vessel ang sangkot sa insidente subalit naniniwala silang isang “foreign” boat ang responsable sa pagkamatay ng tatlong mangingisda.
Sa salaysay ng 11 mangingisda na nakaligtas sa naganap na maritime collision bandang alas-4:20 ng madaling araw ay sinalpok ang kanilang mother boat na FFB Dearyn ng hindi na-identify na sea vessel.
Sa ulat ng PCG, ibinahagi ng mga nakaligtas na ibang mangingisda na isang hindi natukoy na barko ang bumangga sa kanilang mother boat FFB DEARYN na may sakay na anim na katao na siyang naiwan sa mother boat kabilang ang namatay na kapitan ng fishing boat at dalawa pang kasamahan habang tatlo sa kanila ang nakaligtas.
Subalit, sa isinagawang cross referencing sa mga survivors base sa petsa, oras at lokasyon at isinagawang pagsusuri sa marine traffic na isang crude oil tanker na kinilalang MT Pacific Anna na nakarehistro sa Marshall Island ang tumutugma sa mga detalyeng ibinigay ng mga mangingisda.
Tiniyak naman ng PCG na makikipag-ugnayan sila sa bansang pinagmulang ng sea vessel at sa susunod na pantalan na hihintuan nito, inaasahang aakyatin ito ng Port State Control Officers.
Kinilala ang mga nasawi na sina Dexter Laudencia 47-anyos, kapitan ng barko at crew members na sina Romeo Mejeco, 38-anyos at Benedicto Olandria, 62-anyos na pawang mula sa Calapandayan, Subic, Zambales.
At agad dinala ang bangkay ng mga nasawi sa Barangay Cato, Infanta, Pangasinan kung saan sila nagsumbong sa mga awtoridad nang dumating sa baybay nitong Martes ng umaga. VERLIN RUIZ