MALAMPAYA FUND IPANG-SUBSIDIZE SA ELECTRIC BILLS

MASAlamin

NARARAPAT lamang na pakinabangan na ng taumbayan ang Malampaya Fund kaysa kung ano-ano pa ang iniisip ng pamahalaan na paggagamitan dito.

Daan-daang bilyong piso ang nakokolekta riyan, baka hindi naman kalabisan na ipangsagot na ‘yan sa ating mga bill sa koryente. Huwag nang masyadong pag-isipan kung saan tutustusin ang salaping ‘yan, ipangsagot na ‘yan bilang subsidy sa maximum 30% ng Me­ralco at electric bills ng lahat ng kabahayan sa buong Filipinas.

Sa paraang ‘yan ay mas may pakinabang ang taumbayan kaysa kung saan-saan pa napupunta ang pondo na kadalasan ay naibubulsa lamang ng iilan. Maaalalang diyan din galing ang bilyon-bilyong pisong pondo na kinurakot ni Janet Napoles at ng kanyang mga kasabwat sa pamahalaan.

Pihadong matutuwa ang taumbayan kapag ipinang-subsidize ang Malampaya Fund. Sino ang malulugi? Wala! Nakaani pa ng magandang precedent upang ang mga pondo ng pamahalaan ay direkta nang mapakinabangan ng bawat mamamayan.

Malaki na ang sala­ping mula sa Malampaya na nauwi lamang sa wala. Tama na, sobra na. Ibigay na ‘yan nang direkta sa taumbayan, tutal kanila naman talaga ‘yan, nagmula ‘yan sa lupain at karagatan ng mga Filipino.

Nasa 25 milyon ang pamilya sa bansa. Iyang 25 milyong mga pamilyang ‘yan ang nagmamay-ari ng Malampaya Fund. Sila na ang gugugol sa salaping ‘yan sa pamamagitan ng pagsagot sa bahagi ng kani-kanilang Meralco o electric bill. Ang Filipinas ang may pinakamalaking binabayaran sa koryente sa buong daigdig.

Marami pang langis na matatagpuan sa Filipinas. Sa Liguasan Marsh lamang na kuta ng Moro Islamic Liberation Front ay nasa $1 trilyon ang halaga ng langis na matatagpuan doon, ito ay ayon na rin sa pagtaya ng Estados Unidos.

Ibig sabihin, nasa higit P50 trilyon ang nasa Liguasan Marsh, mahigit 10  taon na ng national budget ng Filipinas ‘yan.

Kung desisyunan ng taumbayan na paghati-hatian na lamang ang salaping ‘yan, aba milyonaryo ang bawat pamil­yang Filipino.

Ito ang linya na dapat sundin natin sa kapakinabangan sa ating mga kayamanan na nasa buong kapuluan. Kapag napasakamay na natin ang lahat ng langis na ‘yan at ang pondong malilikom natin mula sa mga kayamanang ‘yan, hindi malayong kayanin na ng Filipinas na imo­dernisa ang buong bansa. Isang bansang naka-wifi, may makabagong public transportation system, state-of-the-art na mga gamit para sa ating Sandatahang Lakas, at kung ano-ano pa.

Comments are closed.