MALAPIT NA NAMAN ANG ANIHAN

KAHIT saang palengke ka pumunta, mataas ang presyo ng kada kilo ng bigas, depende sa kalidad.

Hindi na yata nakakabili ngayon ng mas mababa sa P40 bawat kilo.

Dati’y may nabibili pa na P25 kada kilo sa ilang Kadiwa stores.

Ngayon, wala na tayong naririnig na balita hinggil dito.

Nakagugulat na mahal ang bigas sa pamilihan kahit na mura naman daw itong nabibili sa mga magsaaka.

Sabagay, wala pa naman kasing anihan.

Marami ring kalamidad na tumama sa bansa.

Kung hindi ako nagkakamali, sa Setyembre hanggang Nobyembre pa ang harvest season.

Malapit na nga ang panahon ng anihan, lalo na sa Mimaropa (Mindoro-Marinduque-Romblon-Palawan) at sa iba pang lugar sa Luzon.

Hindi nga lang tiyak kung magiging masagana ang kanilang pag-aani dulot ng mga nagdaang bagyo.

Hindi naman maitatanggi na tumataas talaga ngayon ang presyo ng mga bilihin lalo na ng bigas at gulay sa mga pamilihan sa bansa.

Mismong ang Department of Agriculture (DA) ang nagsiwalat nito.

Nagkaroon daw ng pagtaas na P1.50 hanggang P2 kada kilo sa presyo ng bigas.

Kasama nga rin sa mga tumaas ang mga panindang gulay.

Ang masaklap, hindi rin maiwasan na may mga negosyanteng magsasamantala.

Kapag may kalamidad, umiiral ang pagkagahaman nila kaya nagtataas ng sobra ang presyo ng mga paninda.

Sa kabilang banda, tiniyak naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bilang DA secretary, na may sapat na imbak na bigas ang bansa kahit pa raw pagkatapos ng El Niño phenomenon sa susunod na taon.

Nakipagpulong kasi si PBBM sa mga industry player sa pangunguna ng Private Sector Advisory Council (PSAC) at Philippine Rice Stakeholders Movement (PRISM) sa Malacañang.

Sabi ni Marcos, ang rice situation sa bansa ay manageable at stable naman.

Inilatag daw ng PRISM ang kanilang rice supply outlook sa bansa hanggang sa katapusan ng 2023 habang si DA Undersecretary Merceditas Sombillo ay isiniwalat ang projected ending stock ngayong taon na aniya’y nasa 1.96 million metric tons (MMT) na sapat sa loob ng 52 araw.

Nawa’y makatikim naman muli ang mga Pilipino ng magaganda at mapipintog na butil ng palay na mura.

Kay sarap at kay gandang tingnan ng palay na animo’y ginto sa malawak na linang lalo na kung abot-kaya lamang ito.

Ubod nga naman ng sarap langhapin ang hinog na palay.

Napakasarap din sa pakiramdam, para sa mga magsasaka, na anihin ang pinagbuhusan nila ng pawis at hirap.

Balansehin sanang maigi ng pamahalaan ang kasalukuyang sitwasyon.

Tulungan natin ang mga magsasaka at maging ang mga mahihirap na consumer.