(Malapit nang maging available) BAKUNA LABAN SA ASF

MALAPIT nang maging available ang bakuna laban sa African Swine Fever (ASF) para sa  commercial distribution, ayon sa Department of Agriculture (DA)

Sinabi ng DA, sa pamamagitan ng isang statement mula sa Presidential Communications Office (PCO), na ang commercial trial para sa mga bakuna ay nakatakdang aprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) sa loob ng dalawang linggo.

“Malapit nang lumabas ‘yung approval sa vaccine for the swine,” pahayag ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. sa sidelines ng Presidential Assistance for Farmers, Fisherfolk and Families (PAFFF) event sa Calabayog City, Eastern Samar.

Inaasahan ni Tiu Laurel na sa oras na maging available na ang naturang bakuna, mapipigilan nito ang pagkalat ng ASF  sa PIlipinas na pumapatay sa mga alagang baboy at nakaaapekto sa suplay ng karne sa merkado.

 “FDA and the DA are working very closely on this. Ang ganda ng teamwork namin,” sabi ni Laurel.

Sinabi ni Tiu Laurel na epektibo ang naturang bakuna  na galing sa Vietnam.

Nakaapekto ang ASF sa  hog production sa bansa . Noong 2020, libo-libong baboy ang namatay sa bansa.

Nitong linggo ay umabot sa 200 ang baboy na namatay sa hinihinalang ASF na sakit ng mga ito mula sa pitong barangay ng Manabo, Abra. Ang ASF ay deadly na nakahahawang sakit sa mga inaalagaang baboy sa farm.

 Ligtas naman umanong kainin ng mga tao ang baboy na namatay sa naturang sakit subalit hindi ito inirerekomenda ng pamahalaan na gawin.

Isinasailalim ang mga baboy na namatay sa ASF sa culling. Sa ngayon, maghihigpit, aniya, ang DA sa monitoring sa mga imported na karne  upang makatiyak na hindi ito makakapasok sa bansa.

 “Kailangan i-check kasi I believe dati naman wala naman tayong ASF, wala naman tayong bird flu. Dapat doon tayo sa gates nagbabantay and after that internal,” dagdag pa ni Tiu Laurel.

Kamakailan lamang, binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang kahalagahan ng bakuna kontra ASF upang makabangon ang swine industry ng bansa.

MA. LUISA  MACABUHAY-GARCIA