MALAPIT SA FAULT LINE AGAD TUKUYIN

MULING ipinagpatuloy ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., chairman ng Senate Committee on Public Works ang ginagawang paghahanda ng iba’t-ibang ahensiya kaugnay sa sunod-sunod na lindol na yumayanig sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Sa pagdinig nitong Miyerkoles na sinimulan noong nakaraang Pebrero, bigo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na maipakita ang kailangang datos at mga sagot sa mga katanungan sa pagdinig.

Hindi rin nakadalo si DPWH Secretary Manuel Bonoan sa inisyal na deliberasyon na ikinainis ni Revilla dahil hindi nakumpleto ang pagdinig hinggil sa kahalagahan ng kaligtasan ng publiko sakaling dumating ang kalamidad tulad ng lindol sa bansa.

“Ang nakataya kasi dito ay buhay ng tao, kaya dapat maging maingat, napakaraming tanong na dapat masagot at hindi na sapat ang ating panahon dahil mahalaga ang bawat sandali, kaya kumilos na tayo bago pa mahuli ang lahat,” paliwanag ni Revilla.

Dahil Dito, piniga ni Revilla si Bonoan nang magpakita na ito sa pinakahuling pagdinig na isinagawa hinggil sa kalagayan ng mga impraestruktura at inatasan nito ang ahensiya na tiyaking matatag at ligtas sakaling dumating ang kalamidad.

Iginisa rin ni Revilla ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) hinggil sa kalagayan ng sunod-sunod na lindol at hiningan ng paliwanag hinggil sa sinasabing ‘The Big One’ at kung may ginagawa bang paghahanda kaugnay sa Philippine Fault Zone na maaaring magpayanig sa buong bansa.

Pinagsumite rin ni Revilla ang DPWH ng masterlist ng impraestruktura at establisimiyento na malapit sa fault line upang mabigyang babala at makapaghanda ang mga ito sa posibleng pagkapahamak.

“Matutulungan natin yung mga affected areas kung bibigyan natin sila ng kaalaman sa susceptibility nila – para mas marami tayong masagip na buhay. Related ito sa capacity-building ng ating local government units lalo ‘yung mga nasa danger zones”, dagdag pa ni Revilla.

Sa huli ay binalangkas din ni Revilla kahalagahan ng pag-amyenda sa National Building Code and the National Structural Code of the Philippines upang matiyak ang katatagan ng mga impraestriktura sa bansa. VICKY CERVALES