NAIS ni House Ways and Means chairman, Albay Rep. Joey Sarte Salceda na palawakin ang satellite technology at pabilisin pa ang internet lalo na sa mga lalawigan sa pamamagitan ng bagong panukalang batas niyang “Satelite-Based Technologies Promotion Act of 2020 (HB 7081)” na inihain kamakailan sa Kamara.
Ayon kay Salceda, chairman ng House’s tax panel, susuportahan ng HB 7081 ang higit na matibay na digital economy lalo na ang sektor ng mga ‘work-from-home’ o mga nagtatrabaho mula sa kanilang mga tahanan, bukod sa pasusulungin din nito ang ‘distant learning program’ ng paaralan ngayong may pandemya.
Aamyendahan at luluwagan ng panukalang batas ang mga paghihigpit sa paggamit ng teknolohiyang satellite na ngayon ay bukas lamang sa mga kompanyang pang-telekomunikasyon gaya ng isinasaad ng Executive Order No. 467 (1998). “Ginawa ng COVID-19 na mahalagang bahagi ang ‘internet connectivity’ ang pagbangon ng ekonomiya. Mawawalang saysay ang ‘work-from-home’ kung wala ito na sadyang mahalaga at kailangan sa ating pagbangon,” paliwanag niya.
“Maaaring maunang magkaroon ng bakuna sa Covid bago pa mailatag ang “satellite-based systems” ngunit nagsilbing daan ang krisis sa COVID para malawakang maunawaan ang kahalagahan ng “internet connectivity” upang magkaroon tayo ng tunay na kakayahang makipagsabayan sa mundo ng ‘digital world economy,’” dagdag ng mambabatas.
Sa ilalim ng HB 7081, gagawing maliwanag ang mandato ng Department of Information and Communication Technology (DICT) bilang pangunahing ahensiya na siyang mangangasiwa sa wastong paggamit ng “satellite-based technologies” sa labas ng “commercial telecommunications,” kung saan ito’y kasalukuyang nakatuon.
Layunin din ng panukala na bigyan ang mga internet service providers at value-added services (VAS) providers ng karapatang magkaroon ng sarili nilang mga “network” na gumagamit ng “satellite technology” upang mapalawak ang kompetisyon at mapababa ang singil ng mga serbisyo nila.
Pinuna ng solon na higit na matindi ang kakulangan ng internet access sa labas ng Luzon. Sa Kabisayaan kung saan tila hindi sapat ang laki ng mga pangunahing isla upang umakit ng sapat na puhunan para sa malalaking mga internet infrastructures, mababa rin ang gamit ng internet na nasa 34 porsiyento lamang.
“Dahil dito, sadyang kailangan ang “satellite-based broadband” para lalong mapalawak ang “internet access” sa mga ilang na bahagi ng bansa, ayon sa HB 7081, at lalong mahinusay na mapagserbisyuhan ang ‘distance learning program” ng bansa, at pagbangon ng ekonomiya.
Comments are closed.