IPINANUKALA ni House Ways and Means Committee chairmam, Albay Rep. Joey Salceda sa mga kinauukulan ang malawakang pagtunton at mabilis na pagsuri sa mga nahawaan ng COVID-19 habang niluluwagan ang mahigpit na enhanced community quarantine (ECQ) lockdowns simula sa Mayo 16.
Mangangailangan ito ng malawakan at mabilisang pagsuri ng mga 1.4 milyong tao sa loob lamang ng 30 araw, o mga 48,000 pagsuri araw-araw, ayon kay Salceda na siya ring co-chairman ng House Economic Stimulus Cluster laban sa pananalasa ng COVID-19.
Hiwalay sa mga itinuturing na maseselang lugar, balak ng pamahalaan na luwagan na ang mahigpit na ECQ at gawing general community quarantine (GCQ) na lamang sa ibang mga pamayanan. “Tila naging mabisa ang ECQ sa pagbawas sa bilang ng mga nahahawaan dahil napigil nito ang pagkalat ng ‘virus,’” puna niya sa kanyang 70-pahina ulat kay Pangulong Duterte at gabinete. Tinalakay rin sa naturang ulat ang iba pang ‘system-based’ na mga hakbang laban sa pandemiya.
Sinabi ng isa sa mga pag-aaral na binanggit ni Salceda na nakita sa kilos ng pandemiya sa iba’t-ibang bansa na ang paglawak ng panghahawa nito ay bumabagal kapag mabisa ang pagpapatupad ng ‘quarantine’ hanggang sa umabot at manatili ito sa maliit na bilang na lamang.” Batay sa naturang mga pag-aaral, sinabi niyang kailangan ang mga instrumento at hakbang bukod sa pagpapalawig ng ECQ, at kasama rito ang malawakan at mabilisang pagtunton at pagsuri sa mga nahahawaan.
Pinangunahan ni Salceda ang panawagang i-lockdown ang Metro Manila nang magsimula ang pandemiya.
Ayon sa kanya, kailangang maihiwalay ang 90% ng mga ipinalalagay na nahawaan. “Sa modelo ng ginawa natin, nakita na ang 50% kabawasan sa malayang pakikisalamuha at 90% ng pananatili sa bahay ay nagbunga ng pinakamalaking epekto. Maaaring nabawasan ng ECQ ng 70% ang pakikisalamuha sa pinapasukang trabaho at 80% sa kontroladong pagbiyahe. Ang pinakamahalaga ay mapanatili sa 90% ang ‘isolation’ o hindi malayang pakikisalamuha,” paliwanag niya.
Pinuna ni Salceda na ang limang bansang matagumpay na nakapigil sa pagkalat ng pandemiya sa kanilang nasasakupan, kasama ang Vietnam at South Korea, ay sila ring nakapagsagawa ng malawakang pagsusuri. Ang Vietnam ay nakapagsagawa ng 1,000 pagsusuri sa bawat hinihinalang nahawaan sa loob lamang ng dalawang linggo matapos matuklasan ang unang kaso. “Sadyang kailangang mabilisan at mabisa ang pagsusuri,” giit niya.
Sa Filipinas ay umabot na sa 24,000 ang nahawaan, kailangan maisagawa ang mga 1.4 milyong pagsusuri sa loob ng 30 araw (48,000 bawat araw), paliwanag niya. “Magandang pagkakataon ito para mapakilos ang mga 240,000 Pinoy na nawalan ng trabaho, at magamit sa pagtunton sa mga nahawaan. Maaaring italaga ang apat sa kanila upang suyurin ang bawat barangay, o higit pa para sa malalaking barangay na marami ang nahawaan. Lalong maganda kung gagamit sila ng ’digital technology’ sa pagtunton bagama’t mahina naman ang ‘telecom system’ natin, at mabagal ang DOH sa pagbili ng mga PPE at ‘test kits,” dagdag niya.
Nauna rito, isinulong din ni Salceda ang pambansang sistemang tugon sa COVID-19 noon pang Enero. Inihain niya noon ang HB 6096 na nagpanukalang likhain ng Center for Disease Control, kasama ang balangkas laban sa pandemiya. Nagpanukala rin siya ng mga hakbang kaugnay sa ‘social relief,’ na ang marami ay pinagtibay ng Palasyo. Bilang co-chairman ng House Economic Stimulus and Recovery Cluster, siya rin ang pangunahing bumalangkas ng Economic Stimulus Program ng bansa.
Comments are closed.