NAGBABADYA ang malawakang brownout sa iba’t ibang panig ng Mindanao.
Ito ang babala ni Department of Science and Technology (DOST) Undersecretary Renato Solidum kasunod ng kanilang ulat na papasok ang El Nino sa susunod na buwan kung saan posibleng magkaroon ng kakapusan ng suplay ng tubig sa nasabing lugar.
Ayon kay DOST Undersecretary Renato Solidum, karamihan sa mga bayan at lalawigan sa Mindanao ay nakadepende sa hydropower plant na kumokonsumo ng tubig upang gumana.
Pinangangambahan din na makaaapekto ito sa nalalapit na eleksiyon sa Mayo kung saan maraming ulat ng dayaan sa ilang bahagi ng Mindanao.
Kaalinsabay nito, hinikayat ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang publiko na magtipid sa koryente dahil sa inaasahang pagtaas ng konsumo sa tag-init.
Sinabi ni Melma Batarrio, tagapagsalita ng NGCP, na walang katiyakan na hindi magkakaroon ng unscheduled power interruption kung mataas ang konsumo na makaaapekto sa suplay.
Kabilang, aniya, sa mga posibleng ipatupad sakaling magkaroon ng kakapusan sa suplay ng koryente ay ang rotational brownout o manual at automatic low dropping.
Kasunod nito, tiniyak ng NGCP na tuloy-tuloy ang pagsasagawa nila ng system maintainance sa mga planta upang maiwasan ang total shutdown.
Umapela rin si Batarrio sa publiko na iwasan ang pagkakaingin upang maiwasan ang grass fire lalo na sa mga malapit sa poste ng koryente. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.