BUBUSISIIN sa Senado ang sanhi ng naranasang malawakang pagbaha sa maraming lugar dahil sa bagyong Egay at sa habagat.
Inihayag ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na may basbas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang gagawing pagdinig.
Dapat aniya ay may mapanagot sa pagbaha na sa kanyang palagay ay dulot na rin ng kapabayaan.
Sinabi pa ng senador na ang imbestigasyon ay alinsunod na rin sa nais ng Pangulo na magtatag ng Department of Water Resources Management.
Bubusisiin din ang P183 billion na flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ngayong taon at ang detalye ng alokasyon sa flood control projects ng ahensiya sa 2024 na tumaas pa sa 17.8% o P215.6 billion.
Aminado kasi si Villanueva na ilang dekada na ang nakalipas ay walang nangyayari at lumalala pa ang pagbaha sa kabila ng bilyong-bilyong pisong pondong inilalaan dito ng Kongreso.
Aalamin din sa pagdinig ang status ng integrated master plan ng Central Luzon at master plan ng Metropolitan Manila Development Authority at ang kita na nawawala sa bansa dahil sa pagbaha at kung ano ang solusyon dito.