NAGBABALA si Senadora Imee Marcos na milyon-milyong Filipino ang mananatiling walang trabaho kung wala pa ring malawakang programa sa job recovery ang maipatutupad kapag aprubado na ang bakuna laban sa COVID-19.
“The best regalo ngayong Pasko ang balitang may bakuna na sa COVID-19. Ngunit paano na ang kawalan ng trabaho at ang ekonomiya?” tanong ni Marcos. “Nawarningan na tayo na ang krisis sa ekonomiya ay mas mahirap masolusyonan kaysa sa krisis sa kalusugan. Sino ang nagsasaliksik at gumagawa ng bakuna laban sa kawalan ng trabaho? Milyon-milyong Filipinong walang trabaho at ubos na ang pera ang umaasa rin sa isang bakunang pang-ekonomiya, pero mukhang walang namumuno,” ani Marcos.
Sinabi ni Marcos, chairman ng Senate committee on economic affairs, na lumitaw ang problema sa ‘di pagbalangkas ng isang pambansang patakaran para sa job recovery nang sabihin ng Department of Labor and Employment (DOLE) na hindi nila mandato ito kundi ng Department of Trade and Industry habang nagaganap ang mga hearing tungkol sa 2021 national budget.
Dagdag ni Marcos, napako na ang gobyerno sa mga “programang tila band-aid at panandalian lamang,” gaya ng mga job fair ng DOLE at ng mga programa nitong TUPAD, CAMP, at cash-for-work.
“Ang iilang programa ay hindi bumubuo ng isang epektibong national policy,” giit ni Marcos. Sa parating na ika-87 anibersaryo ng DOLE ngayong linggo, inanunsiyo ng ahensiya na may 21,000 na alok na trabaho mula sa mga pribadong kompanya dito at sa ibang bansa.
Ngunit sinabi ni Marcos na wala pa ito sa isang porsiyento ng 3.8 milyong Filipino na walang trabaho ngayon, base sa pinakabagong Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Kahit nabawasan ang bilang ng mga Filipinong walang trabaho sa katapusan ng Oktubre kumpara noong Abril sa kagasagsagan ng lockdown, halos doble naman ito kung ikukumpara sa nakaraang taon, ani Marcos. “Hindi na talaga uubra ang asal BC o before-COVID. Kailangang mag-level up ang gobyerno mula sa mga programa nitong BC,” dagdag ni Marcos. VICKY CERVALES
Comments are closed.