MALAYSIA AT SINGAPORE BAGSAK SA LISTAHAN NG WORK-LIFE BALANCE

Magkape Muna Tayo Ulit

SINGAPORE-Bagama’t maganda ang pamumuhay at ekonomiya ng Kuala Lumpur, Malaysia at Singapore, lumalabas na hindi maganda ang ‘work-life balance’ ng kanilang mamamayan. Ang ibig sabihin nito ay hindi masaya at ba­lansiyado ang kalidad ng saya ng kanilang pamumuhay sa napiling trabaho.

Ayon sa Kisi, isang US-based mobile access technology company, gumawa sila ng pag-aaral sa 40 siyudad sa buong mundo upang maiugnay ang alab at pagiging kuntento sa pagtatrabaho ng mga manggagawa, suporta ng mga institusyon ng pamahalaan, mga batas na kumakatawan sa benepisyo ng mang­gagawa at kalidad ng pamumuhay ng kanilang mamamayan upang magbalanse sa uri ng kanilang trabaho.

Lumalabas na sa 40 lungsod, ang Kuala Lumpur ang kulelat, habang ang Singapore ay nakapuwesto sa ika-32.

Hangad ng nasabing pag-aaral na magsilbing gabay sa mga lungsod sa kanilang kapasidad na masuportahan ang mga pangarap ng kanilang mga mamamayan na makatamasa ng magandang pamumuhay ngunit hindi gaanong mabigat ang istres sa kanilang trabaho.

Lumalabas na sa Helsinki, Finland; Munich, Germany at sa Oslo, Norway ang may pinakamataas na pangkalahatang ‘work-life balance’. Samantala, ang Buenos Aires, Argentina; Tokyo, Japan at Kuala Lumpur, Malaysia ang nasa dulo ng listahan.

Lumalabas din na ang Kuala Lumpur ay nasa ika-4 na puwesto kung ang pag-uusapan ay ang ‘world’s most overworked cities’. Kaya naman hindi nakapagtataka na hindi masaya ang mga manggagawa roon. Nakapagtataka lamang kung bakit hindi naisama ang Metro Manila sa pag-aaral.

Marahil ay nakikita nila na masyadong masayahin ang mga Filipino. Biruin mo nga, saan ka makakakita ng tao na tumawid at nag-jaywalking sa kalsada at muntikan nang mahagip ng sasakyan. Subalit pagkatapos makatawid ay magtatawanan pa at sisigaw ng, “Hay, mabuti na lang at hindi tayo nasagasaan! Hahahaha…” Only in the Philippines!

Iba talaga ang Pinoy. Hindi siguro masasama sa nasabing listahan dahil kahit na anong hirap ng buhay at trabaho, likas na masayahin tayo. Balansiyado ang buhay maski na hirap sa trabaho. Magsama-sama lamang ang pamilya at barkada, tanggal na ang pakiramdam ng hirap at pagod sa trapik papunta sa opisina at pabalik sa bahay. Iyan ang Filipino!

Comments are closed.