LAGUNA – NASA kustodiya na ngayon ng Biñan City-PNP ang 26-anyos na lalaking Malaysian national makaraang makatakas nang kidnapin ito ng hindi pa mabatid na bilang ng mga kalalakihan sa Solaire Resort and Casino sa Lungsod ng Parañaque.
Batay sa inisyal na ulat ni PLt. Col. Danilo Mendoza, hepe ng Biñan-PNP kay Laguna-PNP Provincial Director PCol. Eleazar Matta, nakilala ang biktimang si Wong Jun Chuan, empleyado, at residente ng Concorde Village Gate, Parañaque City.
Lumilitaw sa report, kinidnap ng hindi pa nakikilalang bilang ng mga suspek ang biktima noong Sabado bandang alas-8:30 ng gabi at itinago umano ito sa hinihinalang safehouse sa Brgy. San Francisco, Lungsod ng Biñan.
Makaraan ang isinagawang masusing imbestigasyon ni Mendoza, napag-alaman na makalipas ang dalawang araw ay nagawa umanong makatakas ng biktima mula sa kamay ng mga suspek nang maglakas-loob itong tumalon sa concrete wall ng safehouse bago tumakbo papalayo sa lugar.
Sa pamamagitan umano ng nakatalagang security guard malapit sa lugar na si Jayson Recalde ay nasagip ang biktima at ipinag-alam sa nagpapatrolyang miyembro ng Special Reaction Unit (SRU) bago dinala sa himpilan ng pulisya alas-2:30 kamakalawa ng hapon.
Nabatid din sa imbestigasyon na hindi pa nagtatagal sa bansa ang biktima na kung saan ay nalulong ito sa casino at natalo ng malaking halaga.
Dahil dito, sapilitan umanong pinagbabayad ang biktima sa pamamagitan ng pakikipag-usap ng mga ito sa kanyang ama na nasa bansang Malaysia subalit tumagal nang tumagal at nauwi sa pangingidnap.
Samantala, sumasailalim na sa masusing imbestigasyon ang biktima para matukoy ng mga ito ang posibleng pagkakakilanlan sa hinihinalang mga kidnapper. DICK GARAY