BINISITA ni Malaysian Prime Minister Anwar Ibrahim ang Philippine pavilion sa 2024 Malaysia International Halal Showcase (MIHAS) sa Kuala Lumpur mula Setyembre 17-20.
Sa pagbisita ni Ibrahim sa pavilion noong Martes, binigyan siya ni DTI Task Force Halal Industry Development Program Manager Aleem Siddiqui Guiapal ng locally handmade product na gawa sa Pilipinas.
Ang paglahok ng bansa sa halal expo sa Malaysia ngayong taon ay bahagi ng “Halal-Friendly PH” campaign ng Department of Trade and Industry (DTI) na nagbibigay-diin sa kahandaan ng Pilipinas na maghatid ng top-tier halal products, lalo na ang food and beverages, ingredients, at wellness items.
“We have the biggest number this time, a 91-member delegation,” pahayag ni Guiapal sa isang Viber message sa Philippine News Agency noong Huwebes.
Ayon kay Guiapal, bukod sa 20 exhibitors sa Philippine booth, ang delegasyon ay kinabibilangan ng mga opisyal mula sa DTI, Philippine Halal Export and Promotion Board, Department of Science and Technology, Bangko Sentral ng Pilipinas, National Commission on Muslim Filipinos, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Ministry of Human, at BARMM Economic Zone.
Aniya, ang partisipasyon ng bansa sa MIHAS ay sumusuporta sa Philippine Halal Development Strategic Plan na naglalayong gawing premier halal gateway ang bansa sa rehiyon.
Sa ilalim ng blueprint, target ng DTI na doblehin ang Philippine-made halal certified products and services sa 2028 sa 6,000 mula sa kasalukuyang 3,000 at dagdagan ang share nito sa global halal industry na tinatayang nagkakahalaga ng USD7.7 trillion sa 2025.
Target din ng halal strategic plan na makaakit ng P230 billion at lumikha ng 200,000 trabaho.
Ayon kay Guiapal, sinabi ng Malaysian government, na kinatawan ni Malaysian Ambassador to the Philippines Abdul Malik Melvin Castelino, na instrumento sila sa pagsusulong sa Philippine halal industry at pag-uugnay sa local stakeholders sa global players.
Nag-alok ang Malaysia, sa pagiging isa sa top producers ng halal food, na sanayin ang mga opisyal at manggagawa sa Pilipinas, partikular sa BARMM.