ISANG MALAYSIAN na nagbebenta ng pre-registered SIM cards ang inaresto ng pinagsanib na puwersa ng Presidential Anti-Organized Crime Commission, Philippine National Police –Criminal Investigation and Detection Group sa Paranaque City.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, kinilala ni PAOCC Executive Director, Usec Gilbert Cruz, ang dayuhan na may alyas Jeff, 23-anyos na nasakote ng mga operatiba sa pamumuno ni Capt Adrian Anuran at CIDG-Eastern District Field Unit sa pangunguna ni Lt. Col. Nino Lope Briones.
Modus operandi ni Jeff ang ilegal na pagpaparehistro ng SIM card sa iba’t ibang pangalan at personalidad.
Ang mga pre-registered SIM ay ibinebenta umano sa iba pang dayuhan na posibleng ginamit sa online banking transactions at iba pang ilegal na aktibidad na nagkokompromiso sa mga pangalang na nagamit.
Nakuha sa posesyon ni Jeff ang P1,000 bill at 150 SIM cards.
EUNICE CELARIO