HAWAK ngayon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang Malaysian na nagtangkang magpasok sa bansa ng humigit kumulang sa apat na kilong shabu nang masabat sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
Sa ulat na ipinarating kay PDEA Director General Moro Virgilio Lazo, dumating ang 27-anyos na dayuhan na kinilalang si Mohammad Ahtsham bin Mohammad Afzal, sakay ng Ethiopian Airline Flight ET644 na lumapag sa NAIA Terminal 3 mula Addis Ababa, Ethiopia na nagmula sa Antananarivo, Madagascar.
Agad na hinarang ang nasabing Malaysian ng mga tauhan ng Customs Port of NAIA at NAIA-PDEA Inter agency drug interdiction task group nang makita sa imahe ang hinihinalang droga nang idaan sa x-ray monitor ang dala dala nitong luggage.
Lumilitaw sa initial inspection at physical examination ang dalawang improvise pouch kung saan binalot ng brown packaging tape ang isinilid na 3,722 gramo ng shabu na may current street value na aabot sa P25,309,600.00. VERLIN RUIZ