NGAYON ay bisperas ng Pasko. Ang tradisyon ng paghahanda ng masarap na pagkain pagsapit ng hatinggabi ay sinisimulan paggising pa lamang sa umaga. Pinag-iisipan na kung ano ang ihahanda sa Noche Buena. Hamon, keso de bola, ispageti, inihaw na manok o baboy at salad panghimagas. Ito rin ang panahon na muling nagsasama-sama ang pamilya. Ang mga naninirahan sa ibang bansa ay pilit na uuwi sa ating bansa upang magbakasyon sa kapanahunan ng Pasko para makapiling ang kanilang pamilya.
Mayaman man o mahirap, pipilitin natin na maghanda ng pagkain sa pagsalubong ng Pasko. Bukod dito ay ang pamimili ng mga regalo sa mga minamahal natin sa buhay. Ang medyo nakaaangat sa buhay ay naglalaan ng mga regalo sa kaibigan at kamag-anak. Ang mga iba naman ay namimigay ng pagkain sa mga kababayan natin na kapos sa buhay. Sa madaling salita, ang Pasko ay selebrasyon ng pag-alala sa kapanganakan at pagdating ni Hesus na nagligtas sa ating mga kasalanan. Ganyan ang diwa sa pagdiriwang natin ng Pasko.
Subalit hindi lahat ay alam ang tunay na diwa ng Pasko. Ang alam lamang ng iba ay ito ang panahon ng pagtanggap ng regalo. Ika nga, ‘pamasko’. Kung ating papansinin ay may mga yagit na lalapit na lang at magsasabi ng, “namamasko po…” na nagsasaad na kung maaari ay magbigay ka sa kanila ng pera. Ang ganitong gawain ay hindi na nalalayo sa panlilimos.
Ang diwa ng Simbang Gabi ay tila nawawala na rin. Ang nasabing Katolikong tradisyon ay siyam na araw na pagsisimba sa madaling araw bago sumapit ang araw ng Pasko. Subalit tila nawawala ang diwa ng pagsalubong sa mahalagang araw na ito dahil ang mga makikita mo na pumupunta sa Simbang Gabi ay hindi naman nakikinig sa misa. Nandoon lamang dahil sa barkadahan. Kung minsan nga ay nagkakaroon pa ng gulo pagkatapos ng misa ng mga magka-away ng mga grupong kabataan. Kaya naman ang mga kapulisan ay nakaistambay sa ating mga simbahan.
Ganoon pa man, ang kabuuan sa mga pangyayari at kaganapan sa Pasko sa Filipinas ay kakaiba. Makulay, masaya, maliwanag at banal. Sabi nga ng iba…“only in the Philippines”. Sa lahat ng bumubuo ng PILIPINO Mirror at sa mga tumatangkilik sa diyaryong ito, binabati ko kayong lahat ng Maligayang Pasko!
Comments are closed.