GUSTONG mag-diet. Gustong magpapayat. Gustong maging healthy. Iyan ang ilan sa madalas nating sinasabi. Ngunit madalas mang sinasabi pero hindi naman natutupad.
Oo, gusto nating mag-diet pero hindi natin mapigil ang ating sariling kumain. Gusto nating pumayat pero maya’t maya tayo kung maghanap ng pagkain. Gusto nating maging healthy pero kapag litson na ang nasa ating harapan, nakalilimot na tayo.
Kunsabagay, napakahirap nga namang pigilin ang sariling kumain lalo na kung masasarap ang nakahain sa ating harapan. Pero lahat naman ng bagay, kung talagang gusto nating matupad o gawin, magagawa natin. At isang paraan diyan, hindi lang dapat puro salita kundi lakipan o samahan natin ng gawa.
Hindi lamang sarili ang dapat nating iniisip para maging healthy kundi maging ang ating pamilya. Kaya naman, narito ang ilang tips na maaaring subukan ng maging healthy ang buong pamilya, holiday man o hindi:
I-CHECK ANG KUSINA
Lahat naman tayo ay naglalaan ng panahon upang maglinis ng kusina o pantry. Pero hindi lamang dapat dumi ang kailangan nating tanggalin sa ating mga kusina kundi maging ang mga unhealthy na pagkain gaya na lang ng cup noodles, diet sodas and artificial sweeteners at sports drinks. Iwasan din ang pag-iimbak o pagbili ng pagkaing nakapakete at may preservatives.
Maraming masasamang epekto sa kalusugan ang pagkain ng junk food. Kaya para maiwasan ang iba’t ibang sakit na naidudulot nito, maging matalino sa pamimili.
MAGLUTO KASAMA ANG PAMILYA
Isa rin sa simpleng paraan ay ang pagluluto kasama ang pamilya. Minsan nga naman ay kinatatamaran nating mag-isip ng mga lulutuin kaya’t kung ano na lang ang nandiyan, iyon ang iniluluto at inihahanda natin.
Sabagay, kung araw-araw ka nga namang nag-iisip ng mga lulutuin ay talagang mawawalan ka ng ideya. pero isa sa makatutulong sa iyo at makapagbibigay ng ganang maging creative sa kusina ay kapag kasama mo ang iyong pamilya sa paghahanda at pagluluto.
Magandang bonding din ito na tiyak na magpapawala sa stress na iyong nadarama.
KUMAIN NG MAKUKULAY NA PAGKAIN
Makukulay na pagkain, iyan ang isa pa sa dapat nating kahiligan. At kapag sinabing makukulay na pagkain, ibig sabihin ay gulay at prutas ang dapat na kawilihan.
May mga batang kayhirap nga namang pakainin ng gulay at prutas. Pihikan nga naman kasi ang bagets. Pero hindi porke’t ayaw nilang kumain ng prutas at gulay ay hahayaan na lamang natin sila. Turuan natin sila. maging ehemplo tayo sa kanila. Kapag nakikita nilang kumakain tayo ng gulay at prutas, maeengganyo rin ang mga iyong kawilihan ang kung ano mang ating kinakain.
PILIIN ANG RESTAURANT NA PUPUNTAHAN
Kung sakali namang kakain sa labas, maging mapili naman sa kakainan. Hindi naman talaga natin maiiwasan ang pagkain sa restaurant o sa mga turo-turo. Pero kung kakain man sa ganitong mga lugar, piliin din ang kakainin at huwag naman iyong alam mong hindi maganda sa kalusugan.
Huwag ding kakain ng sobra.
May ilan din kasing takaw-tingin. Kapag nakakita ng pagkaing sa tingin pa lang ay katakam-takam na, order kaagad.
Pag-isipan muna ang oorderin.
Kung tutuusin, magagawa natin ang maging healthy kung gugustuhin natin. Dahil marami naman talagang paraan para matupad o magawa ito.
Kaya naman, para mas ma-enjoy natin ang buhay, ugaliin nating maging maingat sa ating kinakain. Tandaan na lahat ng nararamdaman natin o nakukuhang sakit ay nagsisimula sa kinukunsumo nating pagkain. CT SARIGUMBA
Comments are closed.