HALOS naghihingalo na dahil sa epekto ng pandemya, ang mga maliliit na kompanya na nasa konstruksiyon ay nanganganib na tuluyan nang ma-wipe out kung maipapasa ang panukalang batas na magtatanggal sa restriksiyon sa pagpasok ng mga dayuhang construction company sa bansa.
Ito ang damdamin ng mga tinatawag na MSMEs at iba pang industry organizations sa Senate Bill No. 1008 at iba pang kaugnay na bills na kasalukuyang nakahain sa Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship.
Ayon sa Construction Industry Authority of the Philippines o CIAP, hindi napapanahon ang panukalang batas na ito na magdadagdag pa ng mas maraming player sa domestic construction industry. Ang CIAP ay kasalukuyang pinamumunuan ni Trade Sec. Ramon Lopez at kabilang sa Board nito sina Labor and Employment Sec. Silvestre Bello III, Public Works and Highways Sec. Mark Villar, at Transportation Sec. Arthur Tugade.
Ayon pa sa CIAP, ang mga MSME na ito ay bumubuo sa 97% ng rehistradong kontraktor sa bansa at isa sa pinakamatinding tinamaan na sektor ng COVID-19 pandemic.
Sa 13-pahinang position paper ng CIAP, mahihirapan ang mga ito na lumaban nang patas sa mga dayuhang contractors na may nakukuhang suporta mula sa kanilang mga gobyerno.
Nanganganib din umano na magdala ng sarili nilang mga manggagawa ang mga foreign contractor na ito na lalo pang manggigipit sa employment situation sa bansa, lalo pa’t maraming OFWs ang puwersahang napauwi dahil sa pandemya.
Ganito rin ang himutok ng Society of Philippine Electrotechnical Constructors and Suppliers Inc. (SPECS) na binubuo ng licensed electrical construction companies sa bansa at ng Association of Carriers and Equipment Lessors (ACEL) na siya namang nasa construction equipment supply distribution chain.
Pangamba rin ng Organization of Socialized and Economic Housing Developers of the Philippines (OSHDP) na gumagawa ng socialized housing para sa mahihirap, maaaring tumaas ang presyo ng pagpapatayo ng bahay kapag naipasa ang batas na ito dahil sa mga dayuhang engineer at manager na may mas malaking sweldo.
Ito rin ang laman ng position paper ng Philippine Constructors Association (PCA) na siya namang kumakatawan sa mga con-struction company at property developer sa bansa, pati na ang ilang chapters nito na nagpadala rin ng sariling opinyon sa isyu, ang PCA Marivalley, PCA Metropolitan, at Pangasinan Constructors Association.
Mayroong mahigit 15,000 licensed contractors na may empleyong 4.2 milyong katao, umaabot sa 10% ng kabuuang employment sa bansa at dahil dito ay ito ang pinakamalaking may direct job contribution sa nakaraang 10 taon.
Ipinaliwanag ng PCA na hindi sila tutol sa pagpasok ng foreign companies na kasalukuyan namang pinapayagan sa bansa. Ang kailangan lamang umanong pag-ingatan ay ang “unregulated entry” ng mga dayuhang kompanyang ito lalo na’t wala namang proteksiyon ang maliliit na construction firms. VICKY CERVALES
Comments are closed.