MALILIIT NA MINERS LIBRE SA TAX

BSP-SMALL MINERS

NILAGDAAN na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang batas na naglilibre sa pagbabayad ng buwis ng maliliit na minero na magbebenta ng ginto sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Inaamyendahan ng batas na pinirmahan noong nakaraang Marso 29 ang National Internal Revenue Code upang ma-exempt sa pagbabayad ng income tax ang mga registered small-scale miner na magbebenta ng ginto sa central bank.

Sakop din ng batas ang maliliit na minero na magbebenta ng ginto sa accredited traders na kalaunan ay ipagbibili ito sa BSP.

Nauna nang nanawagan ang central bank sa maliiit na minero na ipagbili sa kanila ang kanilang mga ginto sa halip na sa black market upang mapalakas ang foreign exchange reserves ng bansa.

Ang batas ay inaasahan ding magpapataas sa halaga ng piso at mag-aahon sa GIR ng bansa na bumagsak sa pinakamababang antas noong Oktubre.

Ang GIR ay ang kabuuang halaga ng dayuhang pananalapi at mga ginto na nasa pangangasiwa ng BSP.

Sa ulat ng BSP noong Oktubre, ang  GIR level ay $74.8 billion lamang at itinuturing na pinakamababa magmula noong Hulyo 2011 kung saan sumadsad ito sa $71.88 ­bilyon.