KAHAPON, pormal nang sinimulan ng ating komite sa Senado, ang Senate Committee on Finance, ang pag-isponsor sa P5.024 trilyong 2022 national budget.
Target po ng Senado na matapos na mailusot ang naturang pondo sa unang buwan ng Disyembre para sa agarang paglagda rito ni Pangulong Duterte.
Prayoridad pa rin po natin sa budget ang pagbili ng bakuna, benepisyo para sa healthcare workers, at dagdag ayuda para sa mga sektor na hinagupit at patuloy na hinahagupit ng pandemya.
Pinaghandaan po nating mabuti ang pagdinig na ito sapagkat bago pa man ito pormal na nagsimula, tayo po ay nakapagsagawa ng napakaraming budget hearings sa tulong ng finance sub-committees.
Umaasa tayong sa lalong madaling panahon ay aaprubahan ito ng Pangulo para masigurong bagong budget ang patatakbuhin ng gobyerno sa susunod na taon upang mapagulong din ang lahat ng programa nang naaayon.
At nabanggit nga natin ang mga isinagawa nating budget briefings nitong mga nakalipas na buwan, isa sa mga mahahalagang usapin na pinagtuunan natin ng pansin ang MSMEs o ang micro, small and medium enterprises.
Sa nakaraang pagbusisi natin sa 2022 budget ng Department of Trade and Industry sa pangunguna ni Sec. Mon Lopez, nalaman natin mula sa kanya na 16 porsiyento ng MSMEs ang nagsara dahil sa pandemya. Nakapanlulumo ito dahil maliliit na negosyo lang sila, hindi naman kumikita nang malaki, pero talagang sinasagasaan ng krisis na ito.
Sa 16 percent na ‘yan, malaking bahagi niyan ay narito sa NCR. At sa 60 porsiyentong employment na nasasailalim sa MSMEs, nabatid na 300,000 hanggang 500,000 trabaho ang nawala. Hindi pa kasama sa numerong ‘yan ang mga posibleng unregistered businesses.
Sa pahayag ng DTI, kung mayroong 2 milyong MSMEs ang nakarehistro sa departamento, mayroon namang humigit-kumulang na anim na milyong negosyo ang hindi rehistrado sa kanila na kinabibilangan ng informal sector.
Marami sa small businesses na lubhang naapektuhan ay nag-shift sa e-commerce o lumipat sa online selling. Ito lang ang pinakamainam na paraan dahil nga sa mga ipinatupad na lockdowns, pagsasara ng mga mall at ang istriktong implementasyon ng health and safety protocols.
At sabi nga ng DTI, dahil daw sa pag-shift sa e-commerce, tumaas sa dalawang milyon mula sa dating 1.5 milyon ang MSMEs.
Posible rin, ayon sa DTI, na umabot sa 750,000 ang bilang ng mga negosyong pumasok sa e-commerce bago matapos ang taong kasalukuyan. Dati, humigit-kumulang 500,000 lang sila pero dahil nga sa pandemya, dumami ang aktibo sa online selling at online businesses. Ito ang isa sa malaking hakbang upang kahit paano ay makabawi-bawi sila sa idinulot na perwisyo ng pandemya sa kanilang negosyo.
Halos lahat kasi tayo, dahil sa lockdowns at sa mga limitadong galaw ng publiko, naging dependent sa online services tulad ng shopping at pag-grocery. Ang e-commerce ang nagbigay pag-asa sa ating MSMEs na inilubog ng krisis.
At sabi nga ng World Economic Forum, hindi lang ang MSMEs dito sa Pinas ang talagang sinagasaan ng pandemya – kahit daw sa iba’t ibang bansa, sila rin ang talagang sinagad. Marami ang permanenteng nagsara at 2/3rds ng mga negosyong ito ang bumubuo sa private sector employment sa mga apektadong bansa tulad ng US at ng European Union. Tinatayang 40 porsiyento ang naitutulong ng mga negosyong ito sa kinikita ng gobyerno.
Ang problema lang, itong MSMEs natin, nahihirapan pa rin sa pondo kaya nga may mga pautang na nakalaan para sa kanila. Ang masakit, hirap na hirap silang makautang. Ito naman ang ipapanawagan natin sa pamahalaan – sana matulungan naman ang mga maliliit na negosyante sa prosesong ito. Maliit na hanapbuhay lang po ito na sinisikap nilang buhayin para makatulong din sa kani-kanilang mga empleyado. Kumbaga, may sirkulo tayo ng pagtulong dito – matutulungan natin ang MSMEs, matutulungan nila ang kanilang mga staff na may binubuhay ding pamilya.
Base nga sa pahayag ng Financial Access COVID-19 Policy Tracker ng International Monetary Fund, ang pinaka-common na tulong na naipagkakaloob ng 130 bansa sa globa sa kani-kanilang small businesses na nawalan ng kita dahil sa pandemya ay tulong pinansiyal na kinabibilangan ng grants, public guarantees on loans (50 percent), delays in loan repayments (30 percent), tax relief (28 percent), at lower interest rates (24 percent).
Dito sa atin sa Pilipinas, nagbibigay rin ang gobyerno ng low-interest sa mga pautang na maaaring ma-avail sa ating government financial institutions (GFIs) tulad ng Landbank of the Philippines, Development Bank of the Philippines at ang Small Business Corporation (SBCorp) na konetkado sa DTI.
Sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Law o Bayanihan 2, kaukulang P55 bilyon ang inilagay ng pamahalaan na capital infusion sa tatlong GFIs na nabanggit natin at sa Philippine Guarantee Corporation sa ilalim naman ng kanilang credit guarantee program. At kahit pa nag-expire na nitong nakaraang Hunyo 30 ang Bayanihan 2, tuloy-tuloy lang ang credit facilities sa serbisyo nito sa MSMEs.
Panukala ko nga po sa SBCorp., sana, gawin naman nilang madali para sa MSMEs ang makautang. Nakakaawa naman na hindi naman kalakihan ang mga inuutang, pero kailangan pang pumila nang pagkahaba-haba.
At isa pa, sana, magbawas din sila ng requirements. Kung mai-produce na ng mangungutang ang main requirements, sana, okay na ‘yun. ‘Wag na nilang hanapan pa ng kung ano-anong dokumento. Paano naman kung simpleng magtataho o fish ball vendor ang mangungutang at hananapan pa nila ng kung ano-anong papel, ‘di po ba? Maawa po tayo sa mga pinakamaliliit nating negosyante na gusto lang naman pong kumita nang maayos at gusto lang makaalpas sa hirap na dala ng pandemyang ito.
Kahit sino naman sa atin, gustong makaahon, kaya bigyan natin ang mas maliliit sa atin ng pagkakataon.
Dito natin dapat asahan ang gobyerno – ang matulungan ang ating small businesses na umarangkada kahit paano sa mga panahong ito. Kayo po sa pamahalaan ang kauna-unahang dapat na nagbibigay ng tamang atensiyon sa ating mga kababayan.