ISABELA-AAYUDAHAN ng Department of Science and Technology (DOST) Isabela ang maliliit na negosyante, tulad ng micro, small, medium enterprises upang mapaganda ang kanilang mga kagamitan o proseso sa kanilang mga negosyo sa ilalim ng Small Enterprises Technology Upgrading Program (SETUP) ng DOST.
Sinabi ni Science Research Specialist 2 Angel Gorospe ng DOST Isabela, na ang pangunahing tinutugunan nila ay ang teknikal na aspeto ng mga negosyo tulad ng pagpapaganda ng mga makinarya na ginagamit sa kanilang negosyo.
Bukod sa rito, sinabi pa ni Gorospe na tutulong din sila sa mga manufacturer na sumunod sa mga pamantayan ng good manufacturing practices, at sa mga mangangalakal na makakuha ng license to operate sa FDA.
Karamihan aniya sa kanilang natutulungan ay mga nasa food processing sectors habang ang iba pa ay sa furniture, microelectronics, at ang isinusulong ni Pangulong Rodrigo Duterte na sektor ng agrikultura.
Sa pamamagitan ng SETUP ay maaaring mapahiram ang mga mangangalakal na gustong pagandahin ang kanilang mga negosyo nang walang interes sa loob ng tatlong taon.
Napag-alaman pa na taong 2002 pa nang nag-umpisa ang naturang programa subalit hindi lang ito gaanong naipakilala sa mga mamamayan, na sa kasalukyan ay mahigit 100 na ang natulungan ng DOST na mga mangangalakal sa Isabela.
Ang tanggapan ng DOST Isabela ay bukas sa mga nangangailangan ng tulong ng naturang programa, kung saan ang kinakailangan lamang ay rehistrado at may permit ang mga pinatatakbong negosyo ng mga mangangalakal. IRENE GONZALES
Comments are closed.