HINDI kakayanin ng maliliit na negosyo ang isinusulong na mandatory 14th month pay sa mga empleyado, ayon sa Employers Confederation of the Philippines (ECOP.
Sa panayam sa Dobol B TV, sinabi ni ECOP vice president George Barcelon na hindi pa nakakarekober ang mga negosyo mula sa COVID-19 pandemic.
“Kaya tingin ko mahihirapan ang mga negosyente sa 14th month pay,” pahayag ni Barcelon, na siya ring presidente ng Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI), said.
Inihain ni Kabayan party-list Representative Ron Salo ang House Bill No. 520, na naglalayong bigyan ng 14th month pay ang lahat ng empleyado sa public at private sector anuman ang status ng employment ng isang empleyado.
Sa ilalim ng panukala, ang 13th month pay na itinatakda na ng batas ay ipagkakaloob sa mga empleyado on or before May 31 ng bawat taon bilang paghahanda sa school enrollment ng dependents ng mga empleyado.
Samantala, ang 14th month pay ay ibibigay sa mga empleyado on or before November 30 ng bawat taon para sa tradisyunal na pagdiriwang ng Pasko.
Ayon kay Barcelon, bagaman may ilang kompanya na ang nagkakaloob ng 14th month pay sa kanilang mga manggagawa depende sa financial performance, ang gawin itong compulsory ay magpapahirap sa mga negosyo, lalo na sa MSMEs.
“May leeway sa mga negosyante, depende sa tao kung maganda ang performance, malakas ang kanilang negosyo, they can afford the 14th month pay. Pero as a requirement, mahihirapan sila lalo ‘yung MSMEs,” aniya.