NAGPAHAYAG ng kahandaan ang gobyerno na tumugon o rumesponde sa malliit na grocery stores sakali mang mapalawig pa ang panahon ng pagbebenta ng murang asukal ng malalaking supermarket.
Sa harap ito ng pagdaing ng maliliit na grocery stores na posible silang napag- iwanan at maapektuhan dahil hindi nila kakayaning makisabay sa bagsak presyo ng asukal.
Sinabi ni Press Secretary Trixie Cruz Angeles na nauunawaan nila ang epekto sa maliliit na supermarket at grocery stores sa usaping ito subalit pansamantala lang naman aniya ito.
Sa ngayon ay ibinaba na sa P70 kada kilo ang presyo ng asukal ng ilang malalaking supermarket sa pakiusap na rin ng Malacanang.
Gayunpaman, sinabi ni Angeles na may takdang panahon lamang ito na ang ibig sabihin ay kapag naubos na ang ipinangakong dami ng suplay sa mababang presyo ay babalik na muli sa dikta ng market prices.
Pero ayon kay Angeles, kapag nagpatuloy ang bentahan ng murang asukal sa malalaking supermarket ay handa ang pamahalaan na tulungan ang malilit na grocery stores.
Hindi pa lamang masabi ni Angeles sa kung papanong paraan tutulong ang gobyerno para maibsan ang epekto ng murang bentahan ng asukal sa mga dumadaing na maliliit na grocery stores. Beth C