Maling gamit ng teknolohiya, nakasisira

Inilunsad ng United Nations Office on Drugs and Cybercrime (UNODC) ang #TechSafeSpace, dahil patuloy umano ang maling paggamit ng teknolohiya sa iba’t ibang bahagi ng Timog-Silangang Asia.

Layon nitong isulong ang isang ligtas na digital environment, itaguyod ang digital inclusion at responsibilidad, at pangalagaan ang karapatang pantao.

Ayon kay Dr. Joshua James, regional counter-cybercrime coordinator ng UNODC, nagbabago ang ating global landscape dahil sa pag-unlad ng teknolohiya.

Totoo umanong malaking tulong ang teknolohiya sa komunikasyon at kaalaman, ngunit nasasamantala rin ito ng mga kriminal sa paggawa ng masama. Lumalawak umano ang kanilang nasasakop dahil napakadali na ng komunikasyon gamit ang internet.

Nagbigay rin ito ng pagkakataon para sa maraming ilegal na bagay ng mga transnational organized crime groups sa Asya at iba pang panig ng mundo.

Matagal na nila itong ginagawa ngunit mas madali na ngayon dahil sa teknolohiya. At mas lantaran na ngayon dahil mas madaling magpanggap na lehitimong negosyo o charity institution.

Madali kasing makipagnegosasyon, at ni hindi na kailangan pang lumabas ng bahay para makipag-meeting, sa tulong ng mga cyber applicattulad ng Zoom, Skype, GoogleMeet, at kahit pa simpleng video­call sa messenger.

Kahit mga kabataan ay maagang natututong maging kriminal, dahil ang paggamit ng umusbong na teknolohiya ang nagpadali ng mga aktibidad.

“Sa pagtaas ng Artificial Intelligence at iba pang umusbong na teknolohiya, ang pagsisikap na makipag tulungan sa pagitan ng pamahalaan at mga korporasyon ay kinakaila­ngan upang matiyak ang ligtas at responsableng paggamit ng teknolohiya,” aniya.

Sa kabila ng lahat, iilang porsyento pa lamang ng kababaihan ang nabibilang sa tinatawag na elites of technology. Sa Asia, 35% lamang ng kababaihan ang massa­ging technological wor­kers.

Ayon kay Suchanart Yord-in, programme assistant ng Counter-Cybercrime Team ng UNODC, tumataas ang bilang ng mga technology-facilitated gender-based violence. Kailangan uma­­nong pangalagaan at itaguyod ang mga karapatan ng kababaihan sa digital age.

Ayon naman kay Mel Migriño, SEA Regional Director ng Gogolook, kailangan ang koordinasyon, pagtutulungan at pagkakaisa sa pagitan ng mga pamahalaan, tech firms at ci­vil society upang matutukan ang problemang ito.

“Mahalagang itagu­yod ang digital inclusion sa sektor ng teknolohiya, palawakin ang access sa teknolohiya, at tiyakin na ang pag-unlad ng teknolohiya ay nakikinabang sa lahat na bahagi ng lipunan,” ayon kay Migriño.

Inuudyukan ngayon ang mga kababaihan at LGBTQIA+ na pumasok sa larangan ng science, technology, engineering at mathematics (STEM), kasabay mga programa ng mentorship at mga awareness campaign upang lumikha ng mas inklusibong tech environment para sa lahat.

Sa Pilipinas, lubhang pinahahalagahan ang karapatang pantao at kalayaan sa pagpapahayag, ngunit naaabuso ito dahil sa makabagong teknolohiya. Malaking bagay ang pagkapasa ng cybercrime law, kung saan mas mabigat ang parusa sa nagkasala.

Ngunit mayroon talagang nga computer wizards, na napakaga­ling magtago, kaya hind nahuhuli kahit may ginawang mali.

Binago talaga ng internet ang pakikipagtalastasan ng tao. Lahat, digital na. Pati nga karma, digital na rin.

Malaki ang papel ng pamahalaan sa pag­harap sa mga hamon ng maling paggamit ng teknolohiya. Mahalagang maipatupad nila ang mga komprehensibong estratehiya, tulad ng pagpapatibay ng mga gender-responsive digital policy, pagpapabuti ng access sa teknolohiya, at pamumuhunan sa pagsasanay sa digital skills.

Mahalaga rin ang pagtugon sa gender-based violence sa pa­mamagitan ng mga online harassment reporting system.

Gayunman, lahat tayo ay dapat responsableng mag-ambag ng ating makakaya upang maging mas ligtas ang online environment, at makaiwas sa cyberbullying, harassment at hate speech, na posibleng  makaapekto sa mental health ng biktima, gayundin sa online public space.

JAYZL VILLAFANIA NEBRE