ANG malinis na inuming tubig ay isang pangunahing pangangailangan at karapatan ng bawat mamamayan. Ayon sa United Nations, ang pagkakaroon ng sapat at malinis na inuming tubig ay isang kasangkapan upang maiangat ang kalusugan at pamumuhay ng mga mamamayan. Ang kalidad, dami, kasapatan at halaga ng inuming tubig sa Filipinas ay isang malaking tanong, gayundin ay isang malaking hamon para sa mga umuunlad nating komunidad.
Kapag hindi malinis ang inuming tubig, madalas ding ito ay sanhi na karamdaman at pagkaminsa’y nakamamatay. Sa ating bansa, mula Enero hanggang Hunyo ng taong kasalukuyan, nakapagtala na ang Department of Health ng 9,435 na kaso ng Acute Bloody Diarrhea kung saan 11 sa mga kasong ito ay humantong sa kamatayan.
Nakapagtala rin ang DOH ng 18 pagkamatay mula sa 9,201 na kaso naman ng typhoid fever. Ilan pa rin sa mga sakit na dulot ng maruming tubig at pagkain ay cholera, hepatitis A at rotavirus. Bagama’t sinasabing higit na mababa ang nabanggit na datos kung ihahambing sa datos ng kaparehong panahon noong 2017, hindi maikakalang malaking banta sa kalusugan ng mga Filipino ang mga karamdamang dulot ng pag-inom ng kontamidong tubig.
Kinakailangan ng ating mga kababayan ng mas malalim pang pag-unawa sa kahalagahan ng malinis na inuming tubig upang mapangalagaan ang katawan at patuloy na makaganap sa mga pang-araw-araw na gawain. Halimbawa, ang isang manggagawang tinamaan ng bloody diarrhea ay kailangang magpakonsulta sa doctor, bumili ng gamot, lumiban sa trabaho o paghahanapbuhay at magpagaling at magpanumbalik ng lakas ng katawan. Gayundin, ang isang mag-aaral na tinamaan ng typhoid fever ay kailangang lumiban sa klase upang makatanggap ng lunas, makapagpahinga at makapagpagaling.
Samadaling salita, naantala ng pagkakasakit ang mga gawain at tungkulin ng sinumang tinatamaan nito. Kung gayon, sa pag-iwas sa mga karamdamang ating nabanggit, napakahalaga ang pagkakaroon ng ating mga mamamayan ng sapat at malinis na inuming tubig.
Makailang ulit na rin nating nabigyang-diin ang kahalagahan ng tubig sa pagsusulong ng kalusugan ng mga mamamayan at ng kaunlaran ng bayan. Layunin natin na sa pamamagitan ng mga lathalaing tulad nito ay maimulat ang ating mga kababayan sa pagpapahalaga sa biyaya ng tubig at paghikayat sa kanilang makibahagi sa pagpapanatili at pangangalaga ng pinagmumulan ng biyayang ito.
Comments are closed.