MALINIS NA KARTA ITATAYA NG BLACKWATER

BLACKWATER-ELITE

Mga laro ngayon:

(Araneta Coliseum)

4:30 p.m. – NLEX vs Blackwater

7 p.m. – Rain or Shine vs Magnolia

ISUSUGAL ng Blackwater ang kanilang malinis na marka sa pagsagupa sa mapanganib na NLEX, habang sisikapin ng Magnolia na maibangon ang nadungisang dangal matapos matalo sa Phoenix sa pagharap sa Rain or Shine sa PBA Governors’ Cup ngayon sa Araneta Coliseum.

Haharapin ng undefeated Elite ang Road Warriors sa unang laro sa alas-4:30 ng hapon na susundan ng bakbakan ng Hotshots at Elasto Painters sa alas-7 ng gabi.

Inaasahang mapapalaban ang Blackwater sa NLEX na gagabayan ni grizzled veteran coach Yeng Guiao.

Huling nanalo ang Elite kontra wala pang panalong NorthPort ni coach Pido Jarencio, 113-111, habang nagwagi  ang Road Warriors sa huli nilang laro laban sa Columbian Dyip, 116-104, matapos yumuko sa Alaska Aces, 96-125, noong Agosto 26.

Inamin ni Blackwater coach Bong Ramos na mahirap talunin ang NLEX at para manalo at mapa­natili ang walang mantsang record ay kaila­ngang kumayod nang husto ng kanyang tropa.

“NLEX is a tough team and has an array of good shooters. We have to play above board and limit the output of NLEX,” sabi ni Ramos.

Muling sasandal si Ramos sa kanyang mga kamador na sina Asian Games campaigner John Paul Erram, Michael Vincent Digregorio, Nard John Pinto, Kyle Pascual, Nino Canaleta at Ronjay Buenafe.

Tatapatan naman ito nina Kevin Alas, JR Quinahan, Asi Talulava, Larry Fonacier at Juan Miguel Tiongson.

Inaasahan ding magiging mahigpit ang laban ng Magnolia at RoS dahil halos pantay ang kanilang tao.  CLYDE MARIANO

Comments are closed.