Standings
W L
San Beda 4 0
CSB 4 0
Letran 5 1
LPU 4 1
SSC-R 2 3
Perpetual 2 3
JRU 3 4
Arellano 1 4
EAC 1 5
Mapua 0 5
Mga laro ngayon:
(Filoil Flying V Centre)
12 noon – Letran vs CSB (Men)
2 p.m. – San Beda vs Mapua (Men)
4 p.m. – Arellano vs SSC-R (Men)
ITATAYA ng San Beda at College of Saint Benilde ang kanilang walang dungis na kartada sa magkahiwalay na laban sa NCAA men’s basketball ngayon sa Filoil Flying V Centre.
Pinapaboran ang four-peat seeking Red Lions na mapalawig ang kanilang winning streak sa limang laro laban sa wala pang panalong Mapua sa alas-2 ng hapon.
Nasa kanilang pinakamagandang simula buhat nang lumahok sa liga noong 1998, ang Blazers (4-0) ay nakahanda sa mabigat na laban kontra Letran sa 12 noon curtain raiser.
Magsasalpukan naman ang San Sebastian at Arellano University sa isa pang laro sa alas-4 ng hapon.
Nakatakda sanang pag-agawan ng San Beda at St. Benilde, ang dalawang pinakamahusay na defensive teams sa liga, ang liderato noong nakaraang Biyernes, subalit ang kanilang pinakaaabangang duelo ay nakansela dahil sa masamang panahon.
Umulan man o umaraw, kapwa hangad ng Lions at Blazers na mapanatiling malinis ang kanilang rekord.
Ngayong taon ay tumatayo na si Calvin Oftana sa kanyang sariling mga paa makaraang maglaro sa ilalim ng anino nina Art dela Cruz at Javee Mocon sa mga nakalipas na season, patunay lamang na ang San Beda ay hindi lamang umaasa sa backcourt duo nina Evan Nelle at James Canlas at kay big man Donald Tankoua.
Ang Lions ay sumasandal sa kanilang depensa, kung saan nalimitahan nila ang kanilang mga katunggali sa league-best 57.3 points ngayong season, at kailangang kumayod nang husto ng Cardinals upang makasilat.
Posibleng sumalang na si Justin Gutang makaraang mawala sa naunang laro dahil sa knee injury, at maraming sandata ang St. Benilde, sa katauhan nina Unique Naboa, Chris Flores at graduating players Clement Leutcheu at Yankie Haruna, na mangunguna sa koponan.
Inaasahang mapapalaban ang Blazers sa Knights, na sa kabila na pumapangatlo sa 5-1 kartada ay nahirapang dispatsahin ang mga katunggali nitong huli.
Subalit sa paraan ng paggapi nila sa mga katunggali sa kasalukuyan sa pamamagitan ng kanilang depensa, kayang malusutan ng St. Benilde ang Letran, lalo na sa mga gipit na sitwasyon.
“For sure, it’s gonna be a close game. Match-up wise, they (Blazers) have the height and they have veteran guys. It’s gonna be an exciting game, like a championship game,” wika ni Knights coach Bonnie Tan.
Ang panalo ay magpapataas sa morale ng Letran papasok sa kanilang rivalry game sa San Beda sa Sabado – isang bihirang NCAA weekend playdate.
Comments are closed.