MALINIS NA MARKA ITATAYA NG CRISS CROSS VS CIGNAL SA SPIKERS’ TURF

Standings W L
FEU-DN Steel 3 0
Savouge 3 0
Criss Cross 2 0
EcoOil-DLSU 1 0
Cignal 2 1
PGJC-Navy 2 1
VNS 1 2
D’Navigators 1 3
Chichi 0 4
Martelli 0 4

Mga laro ngayon:
(Philsports Arena)
2 p.m. – EcoOil-DLSU vs Chichi
4 p.m. – FEU-DN Steel vs VNS
6 p.m. – Criss Cross vs Cignal

MAGSASALPUKAN ang Cignal at Criss Cross sa pinakaaabangang rematch ng Finals ng nakaraang conference sa Spikers’ Turf Invitational Conference preliminaries ngayong Linggo sa Philsports Arena.

Tampok din sa Sunday tripleheader ang unbeaten DN Steel-Far Eastern University kontra VNS, at ang bakbakan ng EcoOil-DLSU at Chichi.

Nakatakda sa alas-6 ng gabi, ang showdown ay inaasahang magiging mainit.

Sa kanilang huling paghaharap noong Mayo, winalis ng HD Spikers ang King Crunchers upang mabawi ang Open Conference crown, subalit bumawi ang Criss Cross at naitala ang straight-set wins kontra Griffins at D’Navigators Iloilo.

Sa kabila na nawala si Kim Malabunga mismong sa opening match dahil sa ankle injury, ang King Crunchers ay determinadong manghamon para sa kampeonato sa isa pang pagkakataon.

Ang Cignal, katabla ang walang larong PGJC-Navy sa 2-1, ay maagang naharap sa mga hamon sa kanilang kampanya, kung saan nalasap nito ang hindi inaasahang five-set loss sa upstart Savouge.

Ang pagkatalo sa Spin Doctors ay nagpakita ng ilang kahinaan sa laro ng HD Spikers, kung saan binigyang-diin ni head coach Dexter Clamor ang pangangailangan na huwag maging kampante sa kabila ng dominant 25-10, 25-15, 25-12 sweep ng Cignal sa Martelli Meats noong nakaraang Miyerkoles.

“We are beatable. If we become complacent, every team here will want to take us down. We’ve been here for 11 years and have won many championships,” sabi ni Clamor.

Binigyang-diin ni Gian Glorioso, nagtala ng conference-high eight blocks laban sa D’Navigators, ang kahalagahan ng collective effort sa pagtatangka ng Criss Cross sa ikatlong sunod na panalo.

“We have areas to improve, but every win is really a collective effort. Our preparedness starts in training, and everyone contributes, whether they’re playing or not,” ani Glorioso, na nag-step up sa pagliban ni Malabunga.

Sa 4 p.m. match, target ng Ultras ang ika-4 na sunod na panalo — at ang solo lead – sa pagharap sa Griffins.

Batid ng DN Steel-FEU, kasalukuyang tabla sa Savouge sa ibabaw ng standings, na ang chemistry ang magiging susi upang mapanatili ang magandang simula.

Maglalaro sa kanilang ikalawang match pa lamang sa conference sa alas-2 ng hapon, hangad ng Oilers ang back-to-back wins sa pagharap sa Titans, na wala pang panalo.

Ang VNS ay may 1-3 record, habang ang Chichi ay tabla sa Martelli sa ilalim ng standings sa 0-4.