MALINIS NA MARKA ITATAYA NG DRAGONS VS FIBERXERS

Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
3 p.m. – Terrafirma vs Meralco
5:45 p.m. – Bay Area vs Converge

MATAPOS ang anim na araw na pahinga, babalik ang undefeated leader guest team Bay Area sa court target ang ika-4 na sunod na panalo kontra Converge sa pagpapatuloy ng PBA Commissioner’s Cup ngayon sa Araneta Coliseum.

Maghaharap ang Chinese-dominated Hong Kong-based Dragons at FiberXers sa alas-5:45 ng hapon kasunod ng salpukan ng kapwa wala pang panalong Terrafirma at Meralco sa alas-3.

Pinapaboran ang Bay Area na mamayani sa Converge dahil sa presensiya ng tatlong NBA veterans na sina Myles Powell, Andrew Nicholson at Duncan Reid, at ng higanteng 7-5 na si Liu Chuanxing.

Tinalo ng Dragons ang Blackwater, NorthPort at Phoenix at target isama ang Converge sa kanilang mga biktima at panatilihin ang walang mantsang record.

Muling pangungunahan ni Powell ang opensiba ng Dragons laban sa Converge na pamumunuan ni NBA veteran Quincy Miller, katuwang sina Jeron Teng, Michael Digregorio, Taylor Browne, Alec Stockton, at Justine Arana.

Si Powell ang bayani sa panalo ng Dragons kontra Batang Pier, 105-104.

Determinado ang Converge na tuldukan ang three-game winning run ng katunggali at kunin ang ikalawang sunod na panalo.

Ginagabayan ni bagong coach Alden Ayo na pumalit kay Jeff Cariaso, nanalo ang Converge sa una nilang laro laban sa Terrafirma, 124-110, sa Mall of.Asia Arena.

Pinapaborang manalo ang Meralco sa Terrafirma sa pangunguna ni NBA veteran import Johnny O’Bryant, katuwang sina Alein Maliksi, Chris Newsome, Cliff Hodge, Aaron Black at Raymond Almazan.

Natalo ang Bolts sa una nilang laro sa Barangay Ginebra, 91-99, kung saan nagbuhos si resident import Justin Brown ng 34 points sa kanyang debut noong Oct. 2.

CLYDE MARIANO