Mga laro ngayon:
(Ynares Arena-Pasig)
5 p.m. – TNT vs Terrafirma
7:30 p.m. – San Miguel vs Rain or Shine
KUNG hindi magbabago ang inisyal na plano ni coach Yeng Guiao, si Mac Belo ay makapaglalaro na rin sa wakas para sa Rain or Shine sa pagsagupa nito sa San Miguel sa PBA on Tour ngayong Miyerkoles sa Ynares Arena sa Pasig.
Si Belo ay nasa training at workouts na ng Rain or Shine nitong mga nakalipas na araw o magmula nang pumirma ng one-year deal sa koponan kasunod ng kanyang trade mula sa Meralco kapalit ni Norbert Torres.
Masaya si Guiao sa nakikita niya kay Belo, isang star forward sa FEU Tamaraws sa kanyang collegiate years na kalaunan ay naging pro via special Gilas rookie draft.
Kaunti pang conditioning, at kumpiyansa si Guiao na magbabalik na ang 6-foot-4 forward sa kanyang lethal form.
Dahil sa back injury, si Belo ay may maliit lamang na playing time sa Bolts.
Si Belo ay inaasahang maglalaro ng ilang minuto sa salpukan ng Elasto Painters at Beermen sa alas-7:30 ng gabi.
Ang E-Painters ay perfect sa unang dalawang laro sa preseason series habang ang Beermen ay nasa two-game roll makaraang matalo sa kanilang initial game laban sa Phoenix Super LPG Fuel Masters.
Minus June Mar Fajardo, Vic Manuel, Marcio Lassiter at Chris Ross, ang nagbabalik na si Terrence Romeo ang nangunguna sa atake ng SMB.
Bagama’t nagrerekober pa sa kanyang sariling injury, si Romeo ay may average na league-best 20.7 points kada laro.
“Siguro nasa 99 percent na ako,” ani Romeo
“Talagang pinaghahandaan ko kung paano ako makakabalik sa game condition. Habang nagpapagaling, tina-try ko na hindi ako mawala sa condition para pag-totally healed na yung body ko, ready na ako,” dagdag pa ni Romeo.
Sa unang laro sa alas-5 ng hapon ay magpapambuno ang TNT at Terrafirma.
-CLYDE MARIANO