MALINIS, TAHIMIK NA BOL PLEBISCITE TIYAKIN

MALINIS, tahimik at kapani-paniwalang resulta ng plebesito.

Ito ang panawagan ni Senador Sonny Angara para sa nakatakdang plebesito na gaganapin ngayong Lunes, Enero 21, para sa ratipikasyon ng RA 11054 o ang Bangsa­moro Organic Law (BOL).

“Nananawagan po tayo sa mga kinauukulan na sana, tiyakin nilang tahimik at malinis ang gaganaping plebesito. Panawagan din po natin sa lahat ng kapatid nating Bangsamoro na maglaan ng sapat na oras para makaboto,” ani Angara, co-sponsor ng BOL sa Senado at chairman ng senate committee on local government.

Ani Angara, ang ratipikasyon ng BOL ang magi­ging daan upang maitatag ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

Napakahalaga ng plebesitong ito sa kasaysayan ng mga kapatid nating Moro. Ito ang tutuldok sa deka-dekada nang sigalot sa Muslim Mindanao at magiging tulay tungo sa katuparan ng kanilang mga pangarap.

“Ito ang natatanging hakbang upang sa wakas ay magkaroon na ng katuparan ang layunin nating masolusyunan ang mga ‘di pagkakaunawaan at nang sa gayon ay umusad ang kapayapaan at kaunlaran sa Bangsamoro region,” ani Angara.

Sa sandaling maratipikahan ang BOL, papalit na sa 29-taong gulang na Autonomous Region in Muslim Mindanao ang BARMM.

Ang BARMM ang nakikitang solusyon sa mga suliranin ng ARMM partikular ang kabiguan nitong resolbahin ang kahirapan at kaguluhan sa rehiyon.       VICKY CERVALES

Comments are closed.