PARA MAN sa kaligtasan ng publiko ang mga ipinatutupad na hakbang ng gobyerno laban sa mabilis na pagkalat ng COVID-19, dapat ding isaalang-alang ng pamahalaan ang mga posibleng palo nito sa pang-araw-araw na kabuhayan ng nakararami.
Ito ang naging pahayag ni Senador Sonny Angara kaugnay sa umano’y kautusan ng mga kinauukulan na pagsasara sa mga mall sa loob ng isang buwang pagpapatupad sa community quarantine sa Kalakhang Maynila.
”Naiintindihan natin na ginagawa ito ng gobyerno para mapigilan ang mabilis na pagkalat ng virus. Pero sana ikonsidera rin nila ang negatibong epekto nito sa publiko lalo na sa mga manggagawa natin na kung hindi magtratrabaho, walang suweldo. Saan naman sila kukuha ngayon ng panggastos?” ayon kay Angara.
Aniya, halos 7,000 mall employees ang posibleng tamaan ng mall closures, partikular ang kani-kanilang sales clerks.
“Para sa daan libo nating mga kababayan na pumapasok araw-araw sa mga mall na tumatanggap ng halos sakto lang na sahod para sa kanilang pang araw-araw na gastusin, na no work-no pay ang sitwasyon, ang pagsasara ng isang buwan ng mga mall ay magdudulot ng malaking pinsala sa kabuhayan nila, na daig pa sa dala ng COVID-19,” saad pa ng senador.
Dahil dito, muling nanawagan si Angara sa Department of Labor and Employment (DOLE) na habang maaga pa ay bumuo na ng mga kaukulang hakbang na makatutulong sa nasabing mga empleyado.
Muling ipinaalala ng senador sa DOLE na sa ilalim ng 2020 national budget, may kaukulang P6.787 bilyong alokasyon ang ahensiya para sa pagpapatupad ng kanilang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD).
Bukod pa rito, ani Angara, mayroon pang P112.618 milyon na ipinagkaloob sa DOLE para naman sa kanilang Adjustment Measures Program o AMP.
Ang TUPAD ay isang community-based assistance package na naglalayong magbigay ng emergency employment para sa mga biglaang nawalan ng trabaho.
Maaaring tumagal ang emergency employment mula 10 hanggang 30 araw, depende sa uri ng trabahong makukuha sa TUPAD.
Ang AMP naman ay magkakaloob ng assistance package tulad ng tulong pinansiyal, employment facilitation and training and livelihood.
“Ito ang tamang pagkakataon upang gamitin ng DOLE ang mga pondong ‘yan. Huwag na nilang hintayin na maghirap pa ang ating mga kababayan sanhi ng mga pangyayaring ito,” ayon pa kay Angara.
Nauna rito, nanawagan na rin ang senador sa DOLE na alamin kung ano-ano ang mga kompanyang nagtatanggal na ng mga empleyado bilang paunang hakbang kontra paglaganap ng COVID-19.
Ito ay upang makagawa ng kaukulang tulong ang ahensiya sa mga maaapektuhan sa lalong madaling panahon. VICKY CERVALES