(Mall goers nabulabog, 1 patay) MALAKAS AT MALAWAK NA LINDOL MULI SA MINDANAO

MINDANAO-QUAKE

MULING naitala ang malakas na lindol na naramdaman sa iba’t ibang lugar sa Mindanao partikular sa Davao del Sur, habang sa sketchy report ay isa na ang napaulat na nasawi.

Una nang kinumpirma ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) Director Renato Solidum na nasa 6.9 magnitude  ang lakas ng lindol sa nasabing lalawigan alas-2:11 ng hapon.

Ayon kay Solidum, ang tectonic in origin na lindol ay may lalim na 30 kilometers habang natunton ang epicenter  nito sa Padada, Davao del Sur.

Naramdaman ang Intensity 7 sa mga bayan ng Matanao at Magsaysay sa Davao del Sur;  Kidapawan City;  Intensity 6 sa General Santos City; Bansalan sa Davao del Sur; Alabel, Intensity 4 sa Malapatan sa Sarangani;  at Koronadal City; Intensity 5 sa Tulunan at Matalam, Cotabato; Cotaba-to City; Davao City; Glan sa Sarangani habang Intensity 3 sa Kalilangan, Talakag, at Dangcagan sa Bukidnon.

Naramdaman ang Intensity 2 sa mga bayan ng Impasugong sa Bukidnon, Cagayan de Oro City,  Dipolog City at Intensity 1 sa Zamboanga del Sur.

Nabalot naman ng takot ang pamimili ng resident sa Padada Public Market nang gumuho ang tindahan ng bulaklak.

Napilitan namang magsilikas ang mami­mili sa Gaisano Mall at sa  Victoria Plaza Mall.

Sa record, noong Oktubre  16 ay naitala na rin ang malakas na pagyanig sa Mindanao na may lakas na 6.3 magnitude na sinundan ng 6.6 magnitude noong Oktubre 29 at magnitude-6.5 earthquake noong Oktubre 31.

Sa datos naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRR MC), noong Nob­yembre 3, umabot na sa 22 katao ang nasawi sa magkakasunod na lindol. EUNICE C.

Comments are closed.